Pinalagan ni Senator Robin Padilla ang media broadcaster na si Lourd De Veyra kasunod ng inilabas nitong open letter-video na nagpapaalala sa kaniyang mga staff ukol sa mga naging argumento at tanong ng senador sa nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kaniyang banat, ginamit ni Padilla ang kaniyang pananampalatayang Islam upang pangaralan ang brodkaster: “Pakiramdam niya Lord siya? Alam mo, galit kami sa mga diyos-diyosan. Bawal sa Islam ang diyos-diyosan, kaya hindi kami naniniwala sa mga lord. Lalo na sa gambling lord, drug lord!”
Iginiit din ng senador na ang lahat ng kaniyang ipinapahayag at itinatanong bilang senator-judge ay nanggagaling sa kaniyang sariling pag-iisip at hindi mula sa kaniyang mga legal counsel o staff upang hindi maipit ang mga ito sa politikal na usapin.
Matatandaang naglabas si De Veyra ng open letter para sa mga tauhan ng opisina ni Padilla upang payuhan umano ang senador kapag lumalayo na ito sa kaniyang prayoridad o kaalaman.
Kasunod din ito ng mga kontrobersyal na pahayag ng senador na diumano’y “one-sided” o may pinapanigan ang prosecution team sa impeachment trial.
BASAHIN: ‘Maraming buwaya sa ‘Pinas! VP Sara, binanatan ang gobyerno sa kanyang pagharap sa OFW’s sa London
Gayunman, nag-apoy lalo ang usapin sa opisina ng mambabatas matapos isiwalat ng veteran columnist na si Mon Tulfo na tuluyan nang nagbitiw ang kaniyang Chief of Staff na si Atty. Rudolf Jurado.
Ayon sa mapagkakatiwalaang tweety bird ni Tulfo, napuno na ang abogado dahil sa hindi pakikinig ni Padilla sa kaniyang mga payo, matigas na ulo, at mga sunod-sunod na kapalpakan nito kamakailan.
Dagdag pa nito, minsan na ring tinutulan ni Jurado ang ipinautos ng mambabatas na pagpapalagay ng CCTV sa kaniyang Senate office na ang dahilan lang naman ay para imonitor kung pinag-uusapan siya ng kaniyang mga tauhan kapag wala siya.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Tulfo, iniuulat na mas pinapakinggan na ngayon ni Padilla ang kaniyang Deputy Chief of Staff na si retired Col. Jean Alia Robles.
Si Robles ay matatandaang naging maingay din ang pangalan matapos mahagip sa CCTV camera bilang kasama ng senador nang itakas nila palabas ng gusali ng Senado si Senador Ronald “Bato” dela Rosa. (KARLO GARCIA)
