Photo: Credit to the owner
Inunsyo ng Government Service Insurance System (GSIS) ang pagtataas ng funeral benefit o tulong-pinansiyal para sa libing ng mga kawani ng pamahalaan at mga kuwalipikadong pensioner.
Mula sa dating P30,000, itinaas na ito sa P50,000 para sa lahat ng mga claims ng pagkamatay na naganap simula ngayong araw, Hulyo 13, 2026.
Layunin ng dagdag-benepisyo na ito na mabigyan ng mas malaking tulong ang mga naulilang pamilya upang maipagkaloob ang isang maayos na libing sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay nang mabigatan sa gastusin.
“Every family deserves support and dignity when they lose someone they love. Raising the funeral benefit to Php 50,000 means the GSIS stands beside our members’ families at the exact moment they need us most,” pahayag ni GSIS President at General Manager Wick Veloso.
Ayon sa GSIS, nasa 21,000 hanggang 25,000 pamilya sa buong bansa ang nakikinabang sa funeral assistance taon-taon.
Upang mapanatili ang pinalaking pondong ito, maglalaan ang ahensya ng hanggang P1.25 bilyon kada taon.
BASAHIN: Meralco, handa sa posibleng blackout dulot ng Bagyong Inday at Habagat
Ang funeral benefit ay isang one-time payment o isahang bayad na P50,000 na ibinibigay sa isang kuwalipikadong benepisyaryo o claimant.
Maaari itong makuha ng mga aktibong miyembro na kuwalipikado, gayundin ng mga hiwalay na sa serbisyo ngunit may karapatan sa future separation o retirement benefits.
Kasama rin sa mga benepisyaryo ang mga old-age pensioners at mga retirado sa ilalim ng Republic Act 1616 na nasa pensionable age na sa ilalim ng RA 8291.
Bukod dito, kuwalipikado rin ang mga miyembrong nagretiro sa ilalim ng RA 1616 bago ipatupad ang RA 8291, basta’t nakapagsilbi sila ng hindi bababa sa 20 taon sa pamahalaan.
Ipinatutupad ng GSIS ang partikular na pagkakasunod-sunod o order of priority sa pagbabayad ng benepisyo. Una sa lahat ang legal na asawa (legitimate spouse), na sinusundan ng legal na anak (legitimate child) na siyang nagbayad ng gastusin sa libing.
Kung sakaling wala namang asawa o anak ang yumao, ang benepisyo ay ibibigay sa sinumang indibidwal na makakapagpakita ng sapat na patunay na siya ang nag-asikaso at nagbayad ng libing.
Para sa mga aplikante, kinakailangang isumite ang mga prescribed documentary requirements tulong ng death certificate ng miyembro, valid government-issued ID, at iba pang supporting documents base sa relasyon sa yumao.
Para sa mga non-spouse claimants, kailangan ding magpakita ng opisyal na patunay ng pagbabayad ng libing.
Ayon pa kay Veloso, ang funeral benefit ang isa sa pinakamabilis at agarang tulong na naipapamahagi ng GSIS, at ang pagtataas nito ay patunay ng seryosong pagtupad ng ahensya sa kanilang responsibilidad.
Ang hakbang na ito ay bahagi rin ng pangako ng administrasyon na isulong ang kapakanan ng mga manggagawa sa pampublikong sektor, mga pensioner, at kanilang mga dependent, na nakalinya sa adyendang “Bagong Pilipinas” at sa 8-Point Socioeconomic Agenda ng Pangulo.
Para sa mga karagdagang detalye, maaaring bisitahin ng mga miyembro at pensioner ang opisyal na website at social media pages ng GSIS, o tumawag sa kanilang contact center sa numerong 8-847-4747.
