Magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng panibagong taas-singil sa kuryente ngayong buwan ng Hulyo, na nagmamarka sa ikaanim na umento sa singil na ipinataw ng distribution utility ngayong taon.
Sa inilabas na advisory ng kumpanya, tataas ng P0.3428 kada kilowatt-hour (kWh) ang singil sa kasalukuyang buwan. Dahil dito, aakyat sa P14.8261 per kWh ang overall rate ng isang tipikal na sambahayan mula sa dating P14.4833 per kWh noong Hunyo.
Para sa mga residential customer na kumokonsumo ng 200 kWh, nangangahulugan ito ng karagdagang P69 sa kanilang buwanang bayarin.
Ayon sa Meralco, ang panibagong umento ay bunsod ng mas mataas na generation charge na sumipa ng P0.1800 per kWh upang maging P9.2504 per kWh. Bunsod ito ng pagmahal ng fuel prices at ang patuloy na tensyon sa Middle East na nagpa-aray sa pandaigdigang merkado ng enerhiya, kung kaya’t tumaas din ang singil mula sa Power Supply Agreements (PSAs) ng P0.2678 per kWh.
Kasabay nito, sumipa rin ang presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa P8.0337 per kWh matapos magtala ng record-high na 14,534 megawatts (MW) ang demand sa kuryente sa Luzon grid noong Mayo 28, 2026. Ang manipis na suplay ng kuryente ang nagtulak sa mas madalas na pagpataw ng secondary price cap.
Nakatulong din sa pag-akyat ng singil ang pagtaas ng buwis ng P0.0960 per kWh, gayundin ang transmission at iba pang charges na may dagdag na P0.0668 per kWh.
Mula nang pumasok ang taong 2026, nakapagtala na ang Meralco ng anim na buwang serye ng umento—partikular na noong Enero, Pebrero, Marso, Abril, Hunyo, at ngayong Hulyo.
Tanging ang buwan lamang ng Mayo ang nagkaroon ng bahagyang bawas-singil na P0.0151/kWh matapos magpatupad ng mga mitigating measure ang Energy Regulatory Commission (ERC).
Sa kabila ng sunod-sunod na taas-singil, pinalawig naman ng ERC ang suspensyon sa koleksyon ng P0.0371 per kWh na Green Energy Auction Allowance (GEA-All) hanggang Agosto 2026 upang kahit paano ay maibsan ang pasanin ng mga consumer.
Nilinaw naman ng Meralco na ang mga umento sa generation at transmission charges ay napupunta sa mga power supplier at grid operator, habang ang mga buwis at universal charges ay direktang nireremit sa pamahalaan.
Nananatili namang walang pagbabago ang sariling distribution charge ng Meralco mula pa noong Agosto 2022.
