Nasa larawan: 80 MLD Calawis Water Treatment Plant ng Manila Water na bahagi pagpapalawig ng raw water source ng Manila Water. Tinitiyak ng Manila Water na tuloy-tuloy ang 24/7 na supply ng tubig sa kanilang 7.9 na milyong customer sa gitna ng matinding El Niño ngayong taon.
Tiniyak ng Manila Water sa mga customer sa East Zone na tuloy-tuloy ang 24/7 na serbisyo ng tubig kahit nararanasan ang malakas na El Niño at nabawasan ang alokasyon mula sa Angat Dam.
Binaba ng National Water Resources Board (NWRB) sa 48 cubic meters per second (CMS) ang inilalabas na tubig mula sa Angat Dam mula sa normal na 52 CMS habang papalapit na ito sa critical level na 160 meters. Sa kabila nsito, sinabi ng Manila Water na maaasahan pa rin ng kanilang customers ang tuloy-tuloy na suplay at normal na pressure ng tubig.
Ipinaliwanag ng kumpanya na matagal na itong naghahanda para mabawasan ang pagdepende sa Angat Dam. Sa paglipas ng mga taon, nagkaroon ito ng iba’t ibang mapagkukunan ng tubig na tumutulong para manatiling sapat ang suplay, lalo na tuwing tag-init. Kaya’t mas handa ngayon ang Manila Water upang harapin ang matinding El Nino ngayong taon kumpara sa mga nakaraang El Nino.
Kabilang sa mga pangunahing pagkukunan na ginagamit na ngayon ang Upper Wawa Dam at Tayabasan Weir na kayang magbigay ng hanggang 710 milyong litro kada araw. Malaking tulong ang mga ito lalo na kapag may kakulangan sa suplay. May dagdag din na tubig mula sa Calawis Water Supply System Phase 1 na kayang maghatid ng hanggang 80 milyong litro kada araw.
BASAHIN: Aktuwal na importasyon ng bigas sa first half ng 2026, pinakamataas mula ng ipatupad ang RTL
Mas pinatatatag pa ang suplay ng mga pasilidad na kumukuha ng tubig mula sa Laguna Lake. Kabilang dito ang Cardona Water Treatment Plant na may kapasidad na hanggang 110 million litro kada araw, at ang East Bay Phase 1 Treatment Plant na nagbibigay naman ng hanggang 50 million liters kada araw.
Dahil sa mga proyektong ito, nagagawa ng Manila Water na punan ang kakulangan mula sa Angat at masigurong tuloy-tuloy ang pagdaloy ng tubig sa mga kabahayan sa buong East Zone.
May mga paparating pang proyekto na lalo pang magpapaigting sa suplay ng tubig. Inaasahang magdaragdag ang Kaysakat Project ng 220 million liters kada araw kapag nakumpleto ito sa Oktubre, habang ang East Bay Phase 2 Water Supply Project ay magdadagdag naman ng 200 million liters kada araw kapag natapos ito sa Setyembre ngayong taon. Ang dalawang mga proyektong ito ay inaasahang magpapatuloy ng paghahatid ng 24/7 na water supply kung sakaling lalagpas pa ang El Niño phenomenon sa susunod na taon.
“Dahil sa mga imprastrukturang ito, makakaasa ang aming mga customer sa 24/7 na serbisyo ng tubig kahit nabawasan ang alokasyon mula sa Angat Dam dahil sa El Niño. Patuloy din naming pinapalakas ang mga hakbang na ito upang matiyak ang suplay ng tubig sa pangmatagalan, kasama ang iba pang water supply projects na kasalukuyang itinatayo,” ani Manila Water Corporate Communication Group Head na si Dittie Galang.
Sa tulong ng mga kasalukuyan at paparating na pinagkukunan ng tubig, tinataya ng Manila Water na magpapatuloy ang 24/7 water availability nang wala pangangailangan para sa pagkaantala ng serbisyo at pagrarasyon ng tubig.
Patuloy ding binabantayan ng kumpanya ang sitwasyon ng suplay at demand ng tubig, lalo na ngayong mas tumataas ang konsumo dahil sa mainit na panahon.
Kasabay nito, hinihikayat ang mga customer na maging masinop pa rin sa paggamit ng tubig para masigurong sasapat ang suplay ngayong El Niño na maaaring tumagal hanggang unang kapat ng 2027.
