Binigyang-diin ng Malacañang na hindi maaaring gamiting dahilan ng kampo ni Bise Presidente Sara Duterte ang pagiging “hypothetical” o ang emosyon ng isang ina upang pawalang-bisa ang mga naging banta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang press briefing sa Palasyo, diretsahang sinagot ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang mga naging argumento ng defense panel ng Bise Presidente sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.
Mariing tinutulan ng Palasyo ang pahayag ni dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at ng defense team na “hypothetical” o conditional lamang ang mga banta ng Bise Presidente.
“Ang pagbibigay po ng salita na kumausap na siya ng tao para patayin ang pangulo, ang unang ginang, at ang dating house speaker — hindi po ito hypothetical. Nakita po ito… Sinabi po ito at mismong si Bise Presidente ay hindi pinapasinungalingan ang kanyang mga sinabi,” ani Castro.
Idinagdag pa ng kalihim na mismong si Duterte ang nagsabing “no joke” ang kanyang binitiwang pahayag. Ginamit din ng Palasyo ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Caluag vs. People, kung saan nakasaad na ang krimen ng grave threats sa ilalim ng Revised Penal Code ay napaparusahan may kalakip man itong kondisyon o wala.
Ayon pa sa Palasyo, ang pagtatangka ng mga abogado ni Duterte na ipagtanggol ang kanyang naging reaksyon — na diumano’y bunsod ng “pang-aapi” ng Kamara sa kanyang Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez — ay maituturing na ring isang uri ng pag-amin.
“You cannot justify something if you did not commit any act,” puntos ni Castro. “Doon pa lang sa dinala nila ‘yung action nila… doon pa lang po ay may pag-amin na po sa ginawang pagbabanta sa buhay ng pangulo.”
Kaugnay naman sa depensa ng mga abogado na nagpapakilala kay Sara Duterte bilang isang asawa at ina na dumedepensa lamang laban sa diumano’y “Operation Romanov” (isang planong pagpatay sa pamilya Duterte), binalikan ng Palasyo ang kampo ng VP.
Inihayag ni Castro na mismong ang NBI na ang sumulat sa Bise Presidente upang imbestigahan ang sinasabi nitong death threats, ngunit hindi ito tumugon o nagbigay ng detalye.
“Ang pagbabanta ay pagbabanta, sino ka man. Nagbanta ka sa buhay ng pangulo. Kahit ikaw ay isang nanay, ikaw ay isang bise presidente, walang pagkakaiba ‘yon,” pagtatapos ng Palace spox.
Muli namang nanindigan ang Malacañang na nananatiling “hands-off” o hindi nakikialam ang ehekutibo sa mismong takbo at magiging desisyon ng Senado bilang isang impeachment court upang irespeto ang pagkakabukod ng kapangyarihan (separation of powers) sa gobyerno.
