Binalaan ng Commission on Audit (COA) ang mga opisyal ng gobyerno na hindi sakop ng kanilang mga pribilehiyo at malalaking bonus ang personal na luho.
Ito ay matapos ipataw ng COA ang isang taong suspensiyon nang walang suweldo laban sa isang hindi pinangalanang senior auditor mula sa regional office nito sa Davao dahil sa pagtrato sa pondo ng pamahalaan bilang sariling “cash machine.”
Sa 23-pahinang desisyon ng COA Commission Proper na may petsang Mayo 26, 2026, napatunayang nagkasala ang opisyal na may ranggong State Auditor IV sa mga kasong Grave Misconduct at Serious Dishonesty.
Batay sa imbestigasyon na iniulat din ng Malaya Business Insight, nabuking na ginawang ‘gatasan’ ng auditor ang pondo ng probinsya matapos nitong ipabalikat sa Davao del Norte LGU ang kanyang mga personal na luho gaya ng mga order ng lechon at pagkain; gift certificates; cable subscription sa bahay; at pagpapagawa ng sariling sasakyan.
Nabulgar din sa mga reklamo na tumanggi umano ang audit team na manuluyan sa inilaang kuwarto noong may palaro sa Koronadal City, at sa halip ay ipinasagot sa lokal na pamahalaan (LGU) ang pinakamahal na hotel sa lungsod.
Bukod sa mga mamahaling hotel at lechon, nabisto rin ng komisyon ang talamak na tardiness o pagka—late sa trabaho ng audit team na hindi itinatala sa logbook, pati na ang pagkuha ng mga cash advance gamit ang petty cash ng LGU.
Lumalabas sa salaysay ng isang retiradong provincial accountant na ginamit ng senior auditor ang kanyang kapangyarihan bilang Audit Team Leader (ATL) upang utusan ang mga empleyado ng probinsya na maglipat ng pondo.
Upang maitago ang mga kuwestiyonableng gastusin, ipinag-utos nito ang paglipat ng P1,115,948 mula sa Auditing Services account patungo sa Other Professional Service account.
Idineposito rin ang pera mula sa General Fund patungo sa isang Trust Fund na nagsisilbing balon ng kanyang mga reimbursement. Kapag nauubos ang pondo dahil sa kanyang mga luho, nag-aatas muli ito ng karagdagang pondo.
“Hayagang binalewala ng respondent ang mga probisyon ng Local Government Code (LGC) at ang mga patakaran ng komisyon… Napatunayang nagkasala ito ng Serious Dishonesty nang abusuhin niya ang kanyang awtoridad,” anang COA.
Bagaman ang Grave Misconduct at Serious Dishonesty ay may katumbas na parusang pagkasibak sa serbisyo (dismissal) sa ilalim ng 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service (RACCS), pinagaan ng COA ang parusa dahil sa ilang mitigating circumstances batay sa jurisprudence ng Supreme Court (Pat-og, Sr. v. CSC, 2013).
Isinaalang-alang ng komisyon ang 38 taong paninilbihan ng auditor sa gobyerno at ang katotohanang ito ang kanyang unang administrative case.
Gayunpaman, binigyang-diin ng COA na dahil sa haba ng kanyang karanasan, alam na alam ng auditor na ilegal at labag sa batas ang kanyang mga ginawa. (Ulat ni Limuel Tolentino)
