Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. (File Photo)
Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng humigit-kumulang P250 milyong pondo ngayong taon upang mapalakas ang industriya ng binhi (seed industry) at matiyak ang seguridad sa pagkain sa bansa, partikular na sa panahon ng mga kalamidad.
Ikinasa ang anunsiyo matapos pangunahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang inaugurasyon ng kinumpuni at pinagandang National Seed Reserve Facility sa compound ng Bureau of Plant Industry (BPI) sa Quezon City ngayong Huwebes, Hulyo 2, 2026.
Ang pasilidad ay may kapasidad na mag-imbak ng hanggang 9,000 sako ng binhi na nakalaan para sa mga rehiyon sa buong Luzon.
Ayon kay Sec. Tiu Laurel, gagamitin ang naturang pondo para makumpleto ang pagtatayo ng mga solar-powered seed reserve facilities sa mga piling lugar sa Pilipinas.
“Alam ko P250 million, kung tama ang aking natatandaan,” pahayag ng kalihim, habang tinutukoy ang pondo para sa kasalukuyang taon.
“Ang seed storage system na ito ang magtitiyak na may sapat tayong supply ng mga binhi at buffer stock upang maging handa tayo sa anumang sitwasyon.”
Sa ilalim ng 2026 seed reserve funding, kasalukuyan nang itinatayo ang mas malalaki at modernisadong pasilidad sa Bicol at Iloilo.
Dahil dito, nagbabalak ang DA na maglaan ng mas mataas na budget na P300 milyon para sa taong 2027 upang mas maparami pa ang mga solar-powered facilities sa bansa.
“Sa susunod na taon (2027), maglalaan tayo ng P300 milyon dahil kailangan doon ang bagong gusali, bagong insulation, bagong panels, at may racking system pa iyan,” dagdag ni Tiu Laurel.
BASAHIN: National Cyber Security Center, itatayo sa Valenzuela City kasama ang DICT at KOICA
Binigyang-diin ng opisyal na napakahalaga ng mga seed reserves upang suportahan ang food systems at planting cycles ng mga lokal na magsasaka, lalo na tuwing may tumatama na sakuna o bagyo.
“Kung sakaling may ma-washout man o ma-damage (na pananim), naka-ready dapat ang national government na ma-provide ‘yung seeds needed para nga hindi maputol ‘yung supply nang ganun katagal o ganun kalaki at hindi mag-spike ang presyo,” paliwanag ng DA chief.
Sa pangmatagalang plano ng pamahalaan, layon nitong magtayo ng kahalintulad na seed facilities sa bawat rehiyon sa Pilipinas upang masiguro ang proteksyon kapwa ng mga lokal na magsasaka at ng mga mamimili.
Samantala, inihayag naman ng BPI na target din nilang paunlarin ang seed system facilities sa mga BPI Centers na matatagpuan sa Baguio, Los Baños, Guimaras, La Granja, at Davao upang mas mapalawak ang abot ng naturang programa.
