Sa gitna ng lumalalang hamon sa seguridad at sunod-sunod na kalamidad sa bansa, isinusulong ni Senator Robin Padilla ang isang makabagong sistema ng military registration upang matiyak na handa ang Pilipinas bago pa man dumating ang susunod na krisis.
Inihain ni Padilla ang Senate Bill No. 2042 na naglalayong awtomatikong irehistro ang mga kwalipikadong Pilipino sa database ng military reserve force ng bansa.
Gagawin ito sa pamamagitan ng pag-integrate o pagsasama-sama ng mga umiiral na rekord ng gobyerno, kabilang ang Philippine Identification System (PhilSys).
Sa ilalim ng panukala, aamyendahan ang Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act.
Oobligahin nito ang tuloy-tuloy na pagpaparehistro ng mga mamamayang Pilipino na may edad 18 hanggang 25 gamit ang mga database ng pamahalaan, sa halip na umasa sa manu-manong pagpapatala.
Ayon kay Padilla, idinisenyo ang hakbang na ito upang palakasin ang kakayahan ng bansa na mag-mobilisa ng mga tauhan.
Hindi lamang ito para sa national defense, kundi maging sa humanitarian assistance, disaster response, at iba pang national emergency.
“Hindi natin hinihiling na magkaroon ng digmaan bago tayo maghanda. Ang tunay na sukatan ng isang matatag na bansa ay ang kahandaan nito bago pa man dumating ang anumang krisis,” pahayag ng senador.
Binigyang-diin niya na napapanahon ang panukala habang kinakaharap ng Pilipinas ang mga makabagong banta, kabilang ang tensyon sa West Philippine Sea, mga panganib sa cybersecurity, at ang madalas na pananalanta ng mga sakuna dulot ng climate change.
“Sa tuwing may kalamidad, lindol, bagyo, pagbaha, o anumang pambansang sakuna, ang unang tanong ay lagi nating naririnig: sapat ba ang ating tao at sapat ba ang ating kahandaan? Ang panukalang ito ay bahagi ng sagot sa tanong na iyan,” dagdag pa niya.
Nilinaw naman ng senador na ang panukalang batas ay hindi bubuo ng isang standing army o awtomatikong magsasabak sa mga mamamayan sa aktibong serbisyo militar.
Sa halip, layon lang nitong gumawa ng mas tumpak at updated na listahan ng mga mamamayan na maaaring tawagin kung kakailanganin para sa military service, civil defense, humanitarian operations, disaster response, o iba pang national service.
BASAHIN: ‘Robin Padilla, certified Gen Z hater!’ – LFS
Dahil gagamitin ang mga kasalukuyang database ng gobyerno, mababawasan ang mga prosesong administratibo para sa mga mamamayan, habang masisiguro ng Department of National Defense (DND) ang isang maaasahang listahan ng reserve force.
Tiniyak din sa bill na masusunod ang mga umiiral na batas sa data privacy at proteksyon ng impormasyon.
Sakop din ng panukala ang mga Pilipinong nasa ibayong dagat sa pamamagitan ng awtomatikong pagpaparehistro gamit ang mga rekord ng pasaporte, habang bibigyan sila ng mga ligtas na digital at consular channels upang i-verify at i-update ang kanilang impormasyon.
Para kay Padilla, ang hakbang na ito ay tungkol din sa pagpapalakas ng kapasidad ng bansa na tumugon sa mga emerhensya. Naniniwala siyang may papel ang bawat Pilipino sa pagtatanggol at paglilingkod sa bayan, habang tungkulin naman ng gobyerno na isaayos ang sistemang ito.
“Ang bawat mamamayan ay may papel sa pagtatanggol at paglilingkod sa bayan. Ang responsibilidad ng pamahalaan ay tiyaking organisado, maayos, at makabago ang sistemang susuporta sa tungkuling ito,” pagtatapos ni Padilla.
Inaasahan ng senador na ang panukalang batas ay magbubunsod ng mas malalim na kultura ng kahandaan at civic responsibility sa bansa.
