NAGSAMPA ng kaso ang isang bagitong pulis sa kanyang immediate superior dahil sa umano’y paulit-ulit na pananakit at pagmumura sa kanya sa harap ng kanyang mga kabaro sa Caloocan City.
Ayon sa biktimang may ranggong Patrolman, nagsimula umanong sumiklab ang ngitngit ng opisyal na may ranggong Lieutenant Colonel sa kanya nang umuwi siya noong gabi ng Hunyo 20 ng hindi nagpapaalam sa opisyal matapos tawagan siya ng asawa hinggil sa hindi magandang kondisyon ng kanilang babaeng anak.
Kinabukasan, kinompronta siya ng opisyal, pinagmumura at ilang ulit umanong sinuntok sa sikmura bago umalis ng kanilang tanggapan sa District Special Operation Unit (DSOU) ng Northern Police District (NPD).
Ang pinakahuling insidente umano ng pagmamalupit sa kanya ng opisyal ay noong araw ng Martes nang utusan siya at kanilang striker na linisin ang Investigators’ Quarters ng kanilang tanggapan.
Aniya, nahinto pansamantala ang ginagawa niyang paglilinis nang sabihan siya ng isang kasamahang pulis na suriin muna ang kanyang leave form. Dito na siya inabutan ng opisyal at agad inupakan ng sunod-sunod na suntok sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at sa mukha na nasaksihan ng apat niyang kasamahan na pawang may ranggo ring Patrolman.
Matapos ang pambubugbog, inatasan siya ng opisyal na magpalit ng damit kaya’t dito na siya nagkaroon ng pagkakataon upang magtungo sa Caloocan City Medical Center makapag-medical bago i-nireport ang pangyayari sa tanggapan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth.
