Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes na muling magkaroon ng aktibong papel sa pamahalaan si dating Interior Secretary Benhur Abalos, matapos ang pagkatalo nito sa nakaraang senatorial elections.
Gayunpaman, mabilis na pinabulaanan ng Pangulo ang mga tsismis na magkakaroon ng balasahan o revamp sa kanyang Gabinete para bigyang-daan ang pagbabalik ni Abalos.
Ginawa ni Marcos ang pahayag sa isang Kapihan press briefing dito sa Kazan, Russia, kasunod ng pagdalo sa ASEAN-Russia Summit.
“I’ll be very candid, I’ll be very frank with you. I want Benhur to play a very active role in government,” pahayag ng Pangulo.
BASAHIN: Marcos, optimistiko sa mas malakas na ugnayang pang-ekonomiya at kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Russia
Ayon kay Marcos, patuloy naman ang pagtulong sa kanila ni Abalos sa “impormal at private” capacity, ngunit nais niyang makahanap ng paraan upang makapaglingkod ito sa opisyal na pwesto.
Nilinaw naman ng Pangulo na hindi nangangahulugang may masisibak sa kasalukuyang mga kalihim para lamang makapasok si Abalos.
“It’s not a zero-sum thing in the Cabinet that you have to remove somebody to gain somebody else,” giit ni Marcos.
Binigyang-diin niya na mayroon siyang “mahusay na grupo” sa kasalukuyan na nagtatrabaho nang maayos para sa bayan. Dagdag pa niya, ang madalas na pagbalasa sa mga opisyal ay “counterproductive” at makakasira sa katatagan ng pamahalaan.
“If you keep on moving people around, they will have to start learning the job again. They just don’t have time for that,” paliwanag ng Pangulo, sabay sabing nagagawa naman ng mga kasalukuyang opisyal ang kanilang mga tungkulin nang maayos.
