Sa pagdiriwang ng kanilang ika-40 anibersaryo, muling nagkaisa ang Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) kasama ang mamamayang Pilipino sa paggigiit ng pananagutan laban sa korapsyon at maling paggamit ng pondo ng bayan.
Ayon sa COURAGE, nananatiling isa ang korapsyon sa pinakamalaking hadlang sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo publiko at sa pagkamit ng mga karapatan ng mga manggagawa.
Kasabay nito, inihayag ng COURAGE ang kanilang suporta sa patuloy na proseso ng impeachment at nanawagan para sa isang malalim, transparent, at independiyenteng imbestigasyon ukol sa mga alegasyon ng iregularidad sa mga flood control projects at iba pang programa ng gobyerno.
“Personal na nasasaksihan ng mga empleyado ng gobyerno kung paano ipinagkakait ng korapsyon sa mamamayan ang mga pangunahing serbisyo, at kung paano nito ninanakaw sa mga manggagawa ang tamang sahod, benepisyo, at seguridad sa trabaho,” pahayag ni Santiago Y. Dasmariñas Jr., Pambansang Pangulo ng COURAGE.
“Ang bawat pisong nawawala sa korapsyon ay pisong kinukuha mula sa kalusugan, edukasyon, serbisyong panlipunan, disenteng kompensasyon para sa mga kawani, at mga programang mag-aangat sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino.”
BASAHIN: 57% ng mga Pilipino, gustong manirahan o magtrabaho sa ibang bansa – OCTA Research
Binigyang-diin ng COURAGE na hindi lamang pera ang nawawala dahil sa korapsyon. Ito rin ang itinuturong dahilan sa talamak na kakulangan ng pondo para sa mga pampublikong serbisyo, pagtanggi sa makabuluhang ugnayan sa pagtataas ng sahod, at ang patuloy na sistemang kontraktwalisasyon (contractual and precarious employment) na nagdudulot ng kawalan ng bawat seguridad sa trabaho at tanggalan sa hanay ng mga kawani.
Dahil dito, nanawagan ang grupo sa mga opisyal ng pamahalaan—partikular na sa mga miyembro ng Senado—na isantabi ang kani-kanilang personal at partisan political interestsu pang magpokus sa kanilang tunay na tungkulin sa bayan.
“Karapatan ng mamamayang Pilipino na magkaroon ng mga pinuno na nagbibigay-priyoridad sa pananagutan, katapatan, at kapakanan ng publiko, sa halip na pamumulitika at personal na ambisyon,” dagdag ni Dasmariñas.
Sa kanilang ika-40 taon, muling pinagtibay ng COURAGE ang kanilang pangako na isulong ang karapatan at kapakanan ng mga empleyado ng gobyerno.
Target din ng grupo na magsilbing boses sa pagbuo ng isang pampublikong sektor na transparent, may pananagutan, at tunay na tumutugon sa pangangailangan ng bawat Pilipino.
