Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas lalago pa ang kalakalan at kooperasyong pang-ekonomiya ng Pilipinas at Russia, lalo na sa mga sektor ng enerhiya at seguridad sa pagkain (food security).
Ipinahayag ito ni Pangulong Marcos sa kaniyang bilateral meeting kasama si Russian President Vladimir Putin nitong Miyerkules sa sidelines ng ASEAN-Russia Commemorative Summit na ginaganap dito.
“Lubos nating pinahahalagahan ang masalimuot ngunit pasulong na talakayan ukol sa mga isyung nakaaapekto sa kalakalan ng ating dalawang bansa,” anang Pangulo.
“Marami pang potensyal na larangan ang dapat nating buksan at galugarin. Bagamat matatag ang kasalukuyang antas ng ating kalakalan, naniniwala akong marami pa tayong magagawa upang mapalawak ito.”
BASAHIN: MARCOS, NILAGDAAN ANG BATAS PARA SA SUSPENSYON NG FUEL EXCISE TAX
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na sa nakaraang pagpupulong ng Joint Commission on Trade and Economic Cooperation (JCTEC) sa Moscow noong Setyembre 2025, lumitaw ang enerhiya at food security bilang pangunahing priyoridad ng magkabilang panig.
Dahil sa mga business-to-business (B2B) meetings sa sidelines ng JCTEC, nagkaroon ng pagkakataon ang mga negosyante mula sa Pilipinas at Russia na magtatag ng networks at magbukas ng mga joint ventures. Kasama sa mga nalagdaang Memorandum of Understanding (MOU) ang kooperasyon sa inobasyon, retail products, cosmetics, food processing, at industrial collaboration.
Ayon kay Marcos, makasaysayan ang pagpupulong nila ni Putin dahil nagkataon ito sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Russia.
Umasa rin ang Pangulo na magpapatuloy ang regular na konsultasyong politikal sa pagitan ng foreign ministries ng dalawang bansa upang mas mapalalim pa ang alyansa.
Samantala, pormal ding inanyayahan ni Pangulong Marcos si President Putin na dumalo sa gaganaping 21st East Asia Summit sa Maynila ngayong darating na Nobyembre.
Ayon kay Marcos, mahalaga ang papel ng naturang summit sa pagpapanatili ng katatagan, seguridad, at kaunlaran sa rehiyon.
