Binatikos ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V ang isinumiteng pre-trial brief ni Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court, na tinawag niyang “ampaw” o walang sapat na nilalaman.
Ayon kay Ortega, bagamat makapal ang dokumento, tila pabalat-bunga lamang ito at walang totoong depensa laban sa mga akusasyon sa Bise Presidente.
“Sa Ilocos, iisa ang tawag namin diyan: ampaw. Malaki tingnan. Magaang hawakan kasi nga halos walang laman,” pahayag ni Ortega matapos suriin ang depensa ng ikalawang pangulo.
“Seventy-two pages. Mahigit isang daang testigo. Daan-daang dokumento. Sa unang tingin, parang napakatibay. Pero kapag hinanap mo na ang aktuwal na depensa, doon nagsisimulang lumitaw ang problema.”
BASAHIN: Kapunan at 9 iba pang top lawyers, sasabak na private prosecutor sa VP Sara impeachment trial
Puna pa ng mambabatas, ang mga nakalistang testigo at dokumentaryong ebidensya sa brief ni Duterte ay galing din mismo sa listahang tinukoy na ng House prosecution panel.
Dahil dito, kinuwestiyon ng solon kung nasaan ang orihinal na argumento ng depensa. “The obvious question is simple. Kung kopya ang mga testigo, kopya ang mga dokumento, at kopya ang ebidensiya, nasaan ang depensa?” ani Ortega. “Kung may depensa, ilatag. Kung may paliwanag, sabihin. Kung may sagot, ibigay. Huwag nating itago sa likod ng napakaraming pahina na wala namang malinaw na direksiyon.”
Inihalintulad din ni Ortega ang estratehiya ng pangalawang pangulo sa isang estudyanteng pinahaba lang ang isinulat na sanaysay para magmukhang marami, ngunit paikot-ikot lang naman ang diwa kapag binasa nang mabuti.
Aniya, kahit ang mga ordinaryong Pilipino na walang alam sa batas ay madaling makapapansin na walang saysay ang haba ng dokumento.
“Hindi naman pahabaan ng dokumento ang laban. Hindi naman paramihan ng pahina. Ang tanong ng taumbayan ay simple: Nasaan ang sagot?” dagdag niya.
Binigyang-diin ng mambabatas na seryosong usapin ang impeachment kaya hindi ito dapat idaan sa porma o panlabas na anyo lamang.
“Ang pinag-uusapan dito ay pera ng bayan. Ang pinag-uusapan dito ay tiwala ng bayan. Ang pinag-uusapan dito ay pananagutan ng isa sa pinakamataas na opisyal ng bansa. Hindi puwedeng ampaw,” giit ni Ortega.
“Sa huli, hindi pahabaan ng dokumento ang huhusgahan ng taumbayan. Ang huhusgahan nila ay kung may laman ba o wala. At sa ngayon, maraming Pilipino ang nagtatanong kung bakit parang mas maraming papel kaysa paliwanag.”
