Pormal nang humingi ng saklolo sa Korte Suprema si Senator Alan Peter Cayetano at ang kaniyang mga kaalyado upang resolbahin ang patuloy na agawan sa posisyon ng Senate Presidency.
Kinumpirma mismo ni Cayetano na naghain sila ng petisyon sa mataas na hukuman na naglalayong “protektahan” ang institusyon ng Senado at pormal na kilalanin ang kaniyang pananatili bilang pinuno ng mataas na kapulungan.
Nag-ugat ang krisis sa liderato noong Hunyo 3, 2026, matapos magdaos ng isang kontrobersiyal na sesyon ang paksiyon na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian.
Sa naturang sesyon, idineklara ng 12 senador na bakante ang lahat ng posisyon sa Senado—kabilang ang upuan ni Cayetano—matapos i-boycott ng Cayetano bloc ang pagtitipon dahil sa pag-aresto kay Sen. Jinggoy Estrada at pagtatago ni Sen. Bato dela Rosa.
BASAHIN: Cayetano, iginiit na siya pa rin ang lehitimong Senate President
Iginigiit ng kampo ni Cayetano na ilegal at walang bisa ang naging hakbang ng grupo ni Gatchalian. Ayon sa kanila, hindi umabot sa mayorya ang bilang ng mga dumalo kaya’t walang quorum na naganap para maging balido ang pagpapatalsik sa kaniya.
Sa kabilang banda, idinedepensa naman ng bagong mayorya na sapat ang 12 senador para sa isang quorum, gamit ang doktrina na tanging ang mga mambabatas na may kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin (o nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Senado) ang dapat isama sa bilang.
Bago ang hakbang na ito ni Cayetano, ibinasura ng Korte Suprema ang isang hiwalay na petisyon na isinampa ng isang guro na pumapabor sa quorum ng bagong mayorya dahil sa “lack of legal standing” o kawalan ng direktang interes sa kaso.
Bunsod nito, personal nang kumilos si Cayetano at ang kaniyang mga kasamahang senador upang direktang makuha ang interpretasyon ng hudikatura.
“Kailangan nating tingnan ito sa mas malawak na konteksto ng katotohanan at kalayaan ng Senado,” ani Cayetano sa isang pahayag sa publiko, habang pinaninindigan na siya pa rin ang tumatayong lehitimong Pangulo ng Senado hangga’t walang pinal na desisyon ang batas.
