Inaasahang aabot sa 47 lugar sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang makararanas ng dry condition sa katapusan ng Nobyembre ngayong taon.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bunsod ito ng nararanasang El Niño sa tropical Pacific.
Sa inilabas na climate outlook ng ahensya, ang mga sumusunod na lugar ay posibleng makaranas ng 21% hanggang 60% na bawas sa normal na buhos ng ulan sa loob ng dalawang magkasunod na buwan:
- Luzon: Metro Manila, Abra, Albay, Apayao, Aurora, Bataan, Batangas, Benguet, Bulacan, Camarines Norte, Catanduanes, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, Kalinga, La Union, Laguna, Marinduque, Masbate, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan (Kalayaan), Pampanga, Pangasinan, Quezon, Quirino, Rizal, Romblon, Sorsogon, Tarlac, at Zambales.
- Visayas: Aklan, Antique, Biliran, Eastern Samar, Guimaras, Iloilo, Northern Samar, Samar (Western Samar), at Southern Leyte.
- Mindanao: Dinagat Islands at Surigao del Norte.
Samantala, tanging ang lalawigan ng Camarines Sur ang binantayan na posibleng tamaan ng dry spell—kung saan nababawasan ng 21% hanggang 60% ang ulan sa loob ng tatlong buwan, o higit 60% na bawas sa loob ng dalawang buwan.
BASAHIN: Pinsala ng lindol sa Mindanao, binabantayan ng Japan gamit ang space satellites
Nilinaw naman ng PAGASA na walang anumang lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng matinding tagtuyot o drought sa ngayon.
Ang forecast na ito ay ibinahagi ng PAGASA sa isang press conference para sa Typhoon and Flood Awareness Week (TFAW). Base ito sa naitalang ulan mula Disyembre 2025 hanggang Mayo 2026, gayundin sa tinatayang lagay ng panahon mula Hunyo hanggang Nobyembre 2026.
Paalala ng weather bureau, maaari pang magbago ang listahang ito depende sa ilalabas na ulat sa susunod na climate forum sa Hunyo 24.
