Bagsak sa selda ang tatlong pinaghihinalaang tulak ng iligal na droga matapos silang madakip sa isang drug buy-bust operation sa Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City, hapon nitong Biyernes, Hunyo 12, 2026.
Sa ulat na isinumite kay Caloocan City Police Station Chief PCOL Joey T. Goforth, ikinasa ng mga operatiba ng City Police Station Drug Enforcement Unit (CCPS-DEU) ang operasyon bandang alas-5:37 ng hapon na nagresulta sa pagkakakulong ng mga suspek.
Kabilang sa mga nadakip ay isang 52-anyos na babae, isang 30-anyos na lalaki, at isang 25-anyos na babae, na pare-parehong residente ng nasabing barangay.
BASAHIN: TNVS driver tinutukan ng baril sa EDSA, NAPOLCOM officer timbog
Narekober mula sa posisyon ng mga suspek ang limang (5) heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na substansya na hinalang shabu.
Tumitimbang ang mga ito ng humigit-kumulang 97.8 gramo at may tinatayang street value na P665,040.00.
Kasalukuyan nang nakadetine ang tatlong suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sections 5 (Sale), 11 (Possession), at 26 (Conspiracy) sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa pamunuan ng Northern Police District (NPD), ang matagumpay na operasyong ito ay bahagi ng kanilang pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga.
