BINASAG na ni Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin ang kanyang katahimikan nitong Biyernes, Hunyo 12, upang humingi ng kapatawaran sa pamilya ng kanyang mga manlalaro na sina Rene Baterbonia at Divine Adili, na kapwa nasawi sa isang insidente ng pagkalunod.
Sina Baterbonia, 18-anyos, at Adili, 21-anyos, ay nalunod noong Lunes, Hunyo 8, habang isinasagawa ang isang team building ng Blue Eagles sa Dipaculao, Aurora, sa ilalim ng pangangasiwa ng American-New Zealand mentor.
Sa isang walong minutong video na inilabas ng Ateneo sa kanilang mga social media account, emosyonal na ipinahayag ni Baldwin ang kanyang matinding pagsisisi sa nangyari.
“Bilang coach, ipinagkakatiwala sa amin ang paglago ng aming mga manlalaro… Ngunit higit sa lahat, ipinagkakatiwala sa akin ng inyo—ng mga magulang at pamilya—ang kanilang kaligtasan. At dito, naramdaman kong nabigo ako. At humihingi ako ng tawad,” ani Baldwin. “Mula sa kaibuturan ng aking pagkatao, ako ay humihingi ng paumanhin.”
BASAHIN: Mga player ng Ateneo Blue Eagles, may death threats matapos ang trahedya sa Aurora
Ikinuwento ng beteranong coach na dinala siya ng trahedya sa pinakamadilim na yugto ng kanyang buhay nang mapagtanto niyang tinangay ng malakas na agos ang dalawang atleta at hindi na lumutang pa. Ayon sa kanya, ginawa ng mga coach at ng kapwa mga manlalaro ang lahat ng kanilang makakaya upang masagip ang dalawa, ngunit nabigo silang maibalik ang mga ito nang ligtas sa pampang.
Gayunpaman, kinilala ni Baldwin na ang kanyang dusa ay walang-wala kumpara sa hagpit ng sakit na nararanasan ngayon ng mga magulang nina Baterbonia at Adili na hindi na muling makakasama ang kanilang mga anak. Aniya, tanging panalangin na lamang ang kanyang kinakapitan ngayon para sa kapayapaan at lakas ng mga naulilang pamilya.
Habang nagluluksa ang komunidad ng Ateneo, nahaharap naman sa mga legal na usapin si Baldwin, na siyang humahawak sa koponan ng Blue Eagles simula pa noong 2015.
Kasalukuyan nang ipinatatawag ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang coach upang iprisinta ang kanyang Alien Employment Permit (AEP) na nagpapatunay ng kanyang legal na pahintulot na magtrabaho sa bansa.
Bukod dito, nakatanggap na rin ang Department of Justice (DOLE/DOJ) ng pormal na kahilingan upang maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban kay Baldwin upang mabantayan ang anumang balak nitong pagbiyahe palabas ng Pilipinas habang gumugulong ang imbestigasyon. (RON TOLENTINO)
