Pinangasiwaan ni NCMF Secretary Sabuddin N. Abdurahim (kaliwa) ang panunumpa ni Hadji Usop "Joe" Zaide Kasan bilang bagong commissioner ng NCMF kahapon, Hunyo 9, 2026. Matatandaan na itinalaga si Kasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. noong Hunyo 2. (Photo credit: NCMF)
Opisyal nang itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang lider mula sa pamayanang Maguindanaon bilang mga bagong komisyoner ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF), isang hakbang na tumutugon sa matagal nang panawagan para sa sapat na representasyon ng kanilang etnikong grupo sa komisyon.
Kinilala ang mga bagong appointee na sina Hadji Usop “Joe” Zaide Kasan at Atty. Syed Kamal Reza L. Ampatuan, na kapwa nagmula sa lalawigan ng Maguindanao del Sur.
Noong Lunes ng umaga, Hunyo 9, pinangunahan ni NCMF Secretary Sabuddin N. Abdurahim, na nagsisilbi ring komisyoner, ang magkahiwalay na panunumpa sa katungkulan ng dalawang opisyal, kung saan dinaluhan ito ng kanilang mga pamilya at kaibigan.
Si Kasan ay dating Bureau of Pilgrimage and Endowment (BPE) director sa ilalim ng binuwag na Office on Muslim Affairs (OMA).
Samantala, si Atty. Ampatuan naman ay isang bagong abogado at anak ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary for Bangsamoro Concerns Zamzamin L. Ampatuan, na dati ring executive director ng OMA.
Sa pagpasok nina Kasan at Ampatuan, pito na ang kasalukuyang komisyoner ng NCMF, kasunod ng naunang pagtatalaga ng Pangulo sa dalawang kinatawan mula sa Region 9 (Western Mindanao) at dalawa pa mula sa mga lalawigan ng Lanao. Dalawang upuan na lamang ang bakante upang makumpleto ang mandated na siyam na miyembro ng naturang collegial body.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng NCMF ang kahalagahan ng pag-upo ng dalawang bagong opisyal sa paggabay sa ahensya.
“Ang okasyong ito ay isang mahalagang milestone sa higit pang pagpapalakas ng pamumuno ng Komisyon at pagsusulong ng mandato nitong itaguyod at protektahan ang kapakanan, karapatan, at interes ng mga Muslim na Pilipino sa buong bansa,” saad ng NCMF.
Ayon sa komisyon, gaganap si Kasan ng mahalagang papel sa pagsuporta sa mga programa para sa inklusibong pag-unlad at ugnayan sa komunidad.
Si Atty. Ampatuan naman, bilang kinatawan ng Youth Sector, ay itinalaga upang isulong ang mga mithiin at kapakanan ng kabataang Muslim sa bansa.
Mainit namang tinanggap ng mga observer mula sa pamayanang Maguindanaon ang pagtatalaga sa dalawa, ngunit kalakip nito ang malaking hamon na protektahan ang interes ng kanilang mga tribu, partikular na sa loob ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
BASAHIN: Tawi-Tawi, suportado ang pag-upo ni Interim Chief Minister Macacua bilang DepEd Minister ng BARMM
Ayon sa ilang ulat, idinaling ng mga lider at sibilyan doon na simula nang maitatag ang NCMF noong 2010 sa ilalim ng Republic Act No. 9997, wala pang Maguindanaon na naupo bilang Kalihim o pinuno ng ahensya. Bunga nito, kakaunti lamang umano ang mga kawaning Maguindanaon sa Central at Regional Offices ng NCMF (maliban sa Lungsod ng Cotabato).
Umasa ang mga miyembro ng komunidad na tututukan nina Kasan at Ampatuan ang pagtataas ng bilang ng mga kwalipikadong Maguindanaon sa komisyon, pati na rin ang pagtataguyod sa promosyon ng mga kasalukuyang empleyado sa loob.
Ayon sa mga lider at sibilyan sa komunidad, simula nang maitatag ang NCMF noong 2010 sa ilalim ng Republic Act No. 9997, wala pang Maguindanaon na nailalagay bilang Kalihim o pinuno ng ahensya. Bunga nito, ipinahayag ng mga observer na nananatiling kakaunti ang mga kawaning Maguindanaon sa Central at Regional Offices ng komisyon, maliban na lamang sa Lungsod ng Cotabato.
Nabatid din na kabilang sa mga aktibong nagrekomenda at nagtulak sa pagtatalaga ng komisyoner mula sa tribong Maguindanaon ay si Minister Jordan S. Bayam ng Ministry of the Interior and Local Government (MILF-BARMM), na isa sa mga pangunahing minister ng Pamahalaang Bangsamoro.
