Nagkaisang mag-ambag ang mga miyembro ng Senate New Majority ng kanilang isang buwang sahod upang itulong sa mga biktima ng mapaminsalang magnitude-7.8 na lindol na yumanig sa malaking bahagi ng Mindanao noong Lunes.
Kasabay nito, hinimok din ng grupo ang kanilang mga kasamahan sa minorya na isantabi ang usaping pulitika at sumama sa nasabing inisyatibo.
“The Senate New Majority stands with the families and communities in Mindanao who are now facing the painful work of rescue, relief, rebuilding and recovery after the powerful earthquake,” pahayag ng mayorya sa isang statement.
Ayon sa grupo, bagaman maliit na halaga ito kumpara sa tindi ng pinsala, malaki ang magagawa kung magpapakita ng pagkakaisa ang buong Senado.
“Habang ito ay maliit na kontribusyon, umaasa kami na sasamahan kami ng aming mga kasamahan sa minorya sa pagsisikap na ito. Sa dulo, tayo ay mga senador ng buong sambayanang Pilipino.
Ito ang sandali na ang Senado, anuman ang panloob na pagkakahati-hati, ay maaaring magsalita sa pamamagitan ng isang ibinahaging gawa ng pagmamalasakit,” dagdag pa nila.
Base sa pinakahuling ulat ni Office of Civil Defense (OCD) Deputy Spokesperson Diego Mariano nitong alas-6 ng umaga ng Martes, umakyat na sa 37 katao ang nasawi, 456 ang sugatan, habang apat (4) pa ang nawawala.
BASAHIN: Pagpatawag ng ‘Special Session’ sa Kongreso, kasado na oras na hilingin ng Senado — Malacañang
Apektado rin ng kalamidad ang kabuuang 17,689 pamilya (o 77,186 indibidwal), kung saan 5,343 pamilya (o 19,365 indibidwal) sa mga ito ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center.
Bukod sa pinansyal na tulong, binigyang-diin ng New Majority na layon nilang maghatid ng emotional support sa mga biktima na kasalukuyang humaharap sa takot at kawalan ng katiyakan.
“Naniniwala kami na ang unang hakbang ng sinserong pakikiramay ay ang ipaabot sa mga taga-Mindanao ang mensaheng handa ang pamahalaang tumulong sa oras ng pangangailangan,” anila.
Titiyakin ng lupon na ang pondong malilikom ay ididirekta sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, malinis na tubig, gamot, at pansamantalang tirahan base sa assessment ng mga local responders sa ground.
Magpapatuloy din ang pakikipag-ugnayan ng Senado sa mga pambansa at lokal na ahensya ng pamahalaan para sa mabilis na rehabilitasyon at pagbabalik ng mga pangunahing serbisyo sa mga naapektuhang lugar.
Sa huli, humingi rin ng suporta ang mga senador sa buong bansa na isama sa dalangin at abutan ng tulong ang Mindanao sa anumang paraan na kanilang kaya.
“Hinihiling namin sa buong bansa na isama ang Mindanao sa kanilang mga panalangin at, kung maaari, magbigay sa anumang paraan na kaya nila, dahil sa mga sandali ng kalamidad, ang bawat gawa ng kabutihan ay nagiging bahagi ng paghilom ng bansa.”
