ANG KAPALIGIRAN NG CASA MANILA
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
ISA sa pinakapopular na dinadayo ng mga turista ay ang Casa Manila na matatagpuan sa Plaza San Luis Complex, sa pagitan ng Kalye Heneral Luna at Real, Intramuros, Lungsod Maynila. Ang casa o bahay ay naglalarawan ng pamumuhay noong panahon ng kolonisasyon ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ang pangangalaga sa bahay ay nasa pangangasiwa ng Intramuros Administration (itinatag 1979).
Ang bawat bahagi ng museo ay tunay na nakabibighani dahil sa estruktura ng bato at kahoy na itinayo noong 1850. Ang casa ay isa sa tatlong magagarang bahay sa Barrio San Luis, isa sa apat na orihinal na nayon ng Intramuros, at matatagpuan sa tapat ng makasaysayang Simbahan ng San Agustin (itinatag 1571), na napapaligiran ng mga kalyeng Real, Heneral Luna, Cabildo, at Urdaneta.
Ang iba pang dalawang magagarang bahay sa baryo ay ang Los Hidalgo, 1650; at Cuyugan Mansion, 1890. Ang casa ay isang kopya ng Bahay San Nicolas noong 1850s na dating matatagpuan sa Calle Jaboneros. Si J. Ramon L. Faustmann ang arkitekto ng Casa Manila na muling ipinatayo ni dating Unang Ginang Imelda Marcos noong dekada ’80 na hinalaw sa mga arkitekturang kolonyal ng Espanya.
Mga Tampok na Bahagi
* Patio at Zaguan. Mararating sa pamamagitan ng zagua, ang malawak na daanan na may batong sahig sa ilalim ng bahay patungong patio. Ang zaguan at patio ay nilagyan ng mga batong Piedra China o Chinese granite na dating ginamit bilang pambigat sa mga Chinese trading junks. Nagsilbing pampalamig sa mga silid ng bahay ang patio na nakaharap dito. Sa dulo ay ang caballeriza o mga stabulong kung saan inaalagaan ang mga kabayo at karwahe.
* Entresuelo. Mezzanine ng bahay na naglalaman ng silid-pagninilay para sa mga mangangalakal, opisina, at ilang silid-tulugan na karaniwang ibinibigay para sa pinalawak na pamilya at mga bisita.
*Despacho. Silid kung saan isinasagawa ang negosyo ng may-ari ng lupa. Nilagyan ng mga desk na may lift-top, mga upuan, mga cabinet, at mga estante ng libro noong ika-17 hanggang 19 na siglo. Bihira noon ang pribadong aklatan sa isang bahay na nagpapatunay ng kaalaman at edukasyon ng naninirahan.
* Caida o Antesala. Ang pangalawang hagdang-bato ay patungo sa caida o antesala. Ang caida ay nangangahulugang “pinapabayaan” dahil ang mga palda ng babae ay hawak-hawak pagdating sa tuktok ng hagdang-bato. Tinatawag na antesala dahil ang silid ay ginagamit upang aliwin ang mga panauhing dumarating. Sa bahaging ito ay maaaring maidlip sa hapon, magmeryenda, maglaro ng parlor, o paminsan-minsan ay laro ng baraha at pagsusugal. Matatagpuan sa gilid ang bastonera kung saan maaaring iwan ng bisita ang kanilang mga sombrero at payong.
* Interyor ng Arkitektura ng Bahay. Napapalibutan ng malalaking bintana ang bahay. Ang mga bintana ay gawa sa mga kabibe ng Capiz. Ang mga kahoy na louver ay tinatawag na persianas na nagpapahintulot na makapasok ang hangin sa silid. Sa ilalim ng mga bintana ay may mga sliding panel na ventanillas bilang karagdagang bentilasyon higit kung tag-araw. Ang ilang bahagi ng bahay ay may metal o ipininta sa estilo ng trompe l’ oeil. Ang volada ay ang makitid na pasilyo sa gilid ng bahay na ginagamit ng mga kasambahay upang makalipat mula sa isang silid patungo sa isa pa tuwing may bisita.

* Sala. Dito nagaganap ang malalaki at espesyal na mga gawain. Ang paggamit nito ay depende sa laki at kung gaano kaespesyal ang pagtitipon. Ang mga salo-salo, tertulias (mga pribadong konsiyerto), soirees, at bailes (mga sayawan) ay dito nagaganap. Karaniwang tampok sa mga tertulias ang husay sa musika ng mga kasapi ng sambahayan.
* Oratorio. Sa kaliwa ng sala matatagpuan ang oratorio o maliit na kapilya na naglalaman ng altar ng pamilya. Ang mga pader at kisame ng oratorio ay pininturahan ng neo-gothic na estilo ng isang tanyag na arkitektural sa Inglatera sa huling ika-19 na siglo.
* Asul na Silid. Sa tabi ng oratorio ay ang Asul na Silid. Ang mga pader at kisame ay pininturahan ng neo-classic Pompeian mula sa mga arkeolohikal na lugar ng Pompeii at Herculaneum. Ang mga kasangkapan ay gawa sa kamagong o ebony.
* Pangunahing Silid. Ang isa pang pinto ng oratorio ay patungo sa silid-tulugan ng may-ari. Makikita ang malalaking salamin na sumasalamin sa katayuan ng pamilya dahil inangkat ito mula sa Europa. Sa tabi ay may napakagandang komoda o aparador na gawa sa pinong butil ng kamagong at narra noong unang bahagi ng ika-19 na siglo. Sa kaliwang bahagi ng silid ay ang sofa na gawa sa hardwood at rattan na hinango mula sa Victorian horsehair sofa.
* Comedor o Silid-Kainan. May mahabang mesa na kayang umupo ng labing-walong (18) tao. Ang mesa ay gawa sa kahoy na narra na may malalaking salamin. Sa kabilang bahagi ay ang vajilera kung saan nakalagay ang mga mamahaling kristal, mga pinggan na porselana, at mga kobyertos. Makikita sa itaas ang punkah, isang mano-manong pinapatakbong bentilador sa kisame na tumutulong palamigin ang mga bisita at palayasin ang mga langaw sa mesa. Ang punkah ay maaaring dinala mula sa India noong Pananakop ng mga Britanya sa Maynila noong 1762.
* Cocina. Sa tabi ng comedor ay isang tipikal na kusina noong ika-19 na siglo. Mapapansin ang banggera o dishrack kung saan inilalagay ang mga hugasang pinggan at pinapatuyo sa ilalim ng araw. Ang paminggalan o aparador ay ginagamit upang itago ang lutong pagkain at mga tira-tira.
* Letrina at Baño. Mula cocina ay may daanan sa kaliwa patungong baño at letrina. Ang letrina ay may palikuran na may dalawang upuan. Ang banyo ay naglalaman ng dalawang bañera o bathtub na gawa sa stoneware mula Tsina.
* Azotea. Mula cocina ay may daan patungong azotea kung saan ginagawa ang mga aktibong gawain tulad ng pagkatay ng mga baboy at manok. Matatagpuan din ang aljibe o tangke ng tubig na ginagamit sa paglalaba. Ang tubig ay kinokolekta mula sa mga bubong sa pamamagitan ng mga kanal na sinasala ng graba, buhangin, at uling. Ang nalinis na tubig ay iniimbak sa aljibe sa ilalim ng azotea. Ang mga halaman at pampalasa sa azotea ay ginagamit sa pang-araw-araw na pagluluto, at ang mga halamang gamot bilang panlunas. May hagdang pababa patungo sa patio.
Bukas ang Casa Manila mula Martes hanggang Linggo, 09:00 Umaga hanggang 06:00 Gabi. May entrance fee: PHP 75.00 (regular rate), PHP 50.00 (discounted rate). Ang discounted ay para sa mga bata edad 18 pababa, mga senior citizen, mga mag-aaral, persons with disabilities, at kawani ng pamahalaan. Magdala ng balidong ID.
