Hayagang hinamon ni Senador Raffy Tulfo nitong Martes, Hunyo 2, si Senate President Alan Peter Cayetano na siputin ang huling araw ng sesyon ng Senado ngayong Miyerkules. Binalaan pa nito ang pinuno ng mataas na kapulungan na kapag hindi ito sumipot, patunay lamang ito ng kanyang kaduwagan.
“Hinahamon ko si Alan Peter Cayetano, kung matapang ka, pumunta ka rito bukas, otherwise duwag ka,” matigas na pahayag ni Tulfo.
Nag-ugat ang matinding hamon ni Tulfo dahil sa sunod-sunod na pag-absent ng mayorya sa plenaryo.
Ayon kay Tulfo na miyembro ng minorya, dapat sa mismong Senado humarap at magpaliwanag si Cayetano sa halip na idaan ang kanyang mga banat sa social media.
“Ang masakit niyan, imbes na pumasok siya rito itong SP Alan eh sa FB siya pumapasok. Dito siya magsalita, dito dapat magdebate kung anong gusto niyang gawin huwag sa social media,” dagdag pa ng senador.
Bumuwelta si Tulfo matapos mag-post si Cayetano na sinusubukan diumano ng minorya na agawin ang liderato ng Senado para lang mapatigil ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga maanomalyang flood control projects.
Umainit ang tensyon kasabay ng panggigipit ng oposisyon at ng grupong “Solid Bloc 11” na magbitiw na si Cayetano sa pwesto dahil sa tila paralisadong takbo ng lehislatura.
BASAHIN: SP CAYETANO RESIGN – MINORITY BLOC (Hindi kayang kumilos bilang lider ng Senado)
Dahil sa madalas na pag-absent ng mga kakampi ng Senate President, hindi makasulong ang mga regular na trabaho sa Senado na nagdulot na ng political standoff sa pagitan ng magkabilang panig.
Samantala, nakiusap naman si Senador Juan Miguel Zubiri sa mga kapwa mambabatas sa majority bloc na bumalik na sa trabaho at huwag sayangin ang pera ng taumbayan.
“My appeal to our colleagues, they should attend session it is their duty, binabayaran tayo ng taumbayan para magtrabaho, mag-legislate hindi para mag-absent-absent lamang,” giit ni Zubiri.
Inaasahang magiging mainit ang huling araw ng sesyon ngayong Miyerkules kung saan tinitingnan kung diringgin ni Cayetano ang hamon o mananatiling bakante ang upuan ng liderato ng Senado.
