Opisyal nang tinanggal sa pwesto si Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga matapos aprubahan ng Kamara de Representantes nitong Martes ang rekomendasyon ng Committee on Ethics and Privileges na tuluyan itong mapatalsik.
Sa botong 265-14 at walong abstention, napatunayang nagkasala si Barzaga sa “disorderly behavior, conduct unbecoming of a member,” at matitinding paglabag sa House Code of Conduct.
Nagmula ang reklamo kay Iloilo Rep. at Deputy Speaker Janette Garin. Inakusahan niya si Barzaga ng paulit-ulit na panggugulo sa mga sesyon, kawalan ng galang sa mga kapwa mambabatas, at paggamit ng social media sa paraang nakakasira sa dangal ng institusyon.
Ayon sa ulat ng komite na inisponsoran ni 4PS Party-list Rep. JC M. Abalos, ito na ang pinakamabigat na parusa dahil hindi na nagbago ang mambabatas sa kabila ng dalawang naunang 60-day suspensions.
“Naniniwala ang komite na ang isa pang suspensyon ay hindi na makakapigil sa maling pag-uugali, na patuloy na nagbibigay ng negatibong imahe sa Kamara,” anang ulat.
Napatunayan ng komite na nilabag ni Barzaga ang Sections 141(a) at (b) ng House Rules at ang Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
Nagsimula ang kontrobersya noong Setyembre 2025 dahil sa pag-post ng mga video sa social media na na may binagong larawan (altered images) ng mga pinuno ng Kamara, pag-live stream sa loob mismo ng session hall, sarkasitikong komentaryo at pambabastos sa mga kapwa mambabatas habang ongoing ang proceedings.
Ipinagtanggol ni Barzaga ang sarili at sinabing bahagi ito ng kanyang political expression at nangyari habang suspendido (recess) ang sesyon.
Gayunpaman, ibinasura ng komite ang katwirang ito at iginiit na ang mambabatas ay dapat maging propesyonal sa lahat ng oras sa loob ng Kamara.
“Ang session hall ay simbolo ng statesmanship; hindi ito lugar para sa magulo o iresponsableng pag-uugali,” diin ng komite.
Sa ilalim ng Article VI, Section 16(3) ng Saligang Batas, may kapangyarihan ang Kamara na patalsikin ang sinumang miyembro nito sa pamamagitan ng two-thirds vote.
Ang pagpapatalsik kay Barzaga ay itinuturing na isa sa mga pambihirang pagkakataon sa kasaysayan ng Kongreso ng Pilipinas.
Dahil dito, pormal nang bakante ang posisyon ng kinatawan ng ika-apat na distrito ng Cavite, habang naghihintay ng anumang legal na hakbang na maaari pang ihain ng kampo ni Barzaga.
