Nag-react ang beteranong mamamahayag na si Karen Davila sa mga senador na naging emosyonal at nag-iyakan sa pag-aresto kay Sen. Jinggoy Estrada dahil sa kasong plunder.
Nitong Lunes, June 1, sumuko si Estrada sa mga awtoridad matapos maglabas ng arrest warrant ang korte kaugnay ng walang piyansang kaso ng pandarambong.
Ayon sa akusasyon, tumanggap diumano ng kickbacks ang naturang mambabatas mula sa mga flood-control projects.
Bago tuluyang bitbitin, humarap muna sa press si Jinggoy kasama ang mga kaalyadong senador mula sa majority bloc.
Pero matapos ang kanyang speech, nang bitbitin na siya nina Interior Secretary Jonvic Remulla at mga operatiba ng CIDG, napansin ng lahat na naging emosyonal at todo-iyak sina Sen. Camille Villar at Sen. Imee Marcos.
BASAHIN: JINGGOY SUMUKO SA CIDG
Dito na umusok ang bumbunan ng beteranang mamamahayag. Sa kanyang X (dating Twitter) post nitong Martes, June 2, binanatan ni Davila ang “drama” sa Senado.
“Senators were seen crying yesterday as a colleague was being arrested for plunder… Iyakan n’yo ang ninanakawang Pilipino. Iyakan n’yo ang binabaha dahil sa nakawan sa flood control. Iyakan n’yo ang gutom nating mga kababayan,” birada ni Karen.
Hindi pa rito nagtapos ang kanyang banat: “Get out of your bubble. Please.” (Umalis kayo sa sarili ninyong mundo, pakiusap.)
Agad namang bumuhos ang suporta mula sa mga netizen ang post ni Davila, kung saan marami ang bumatikos sa umano’y “teleserye” at pekeng simpatya ng mga mambabatas habang ang taumbayan ay nalulunod sa baha at gutom.
Bukod kay Estrada, may Warrant of Arrest din laban kina dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan at ilang dating opisyal ng DPWH-NCR na kaladkad din sa naturang kaso ng kurapsyon.
