HINIMOK ng National Bureau of Investigation (NBI) si Senador Robin Padilla na magsalita at tulungan ang mga awtoridad na mailahad ang buong katotohanan sa likod ng pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa mula sa kustodiya ng Senado.
Sa ginanap na Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag na si Padilla mismo ang nagpapasakay kay Dela Rosa sa kanyang sasakyan at nagbaba rito sa ibang lokasyon matapos ang tensyon sa Senado noong Mayo 13.
Naging mitsa ng kontrobersya ang tangka ng mga awtoridad na isilbi ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa, na naging dahilan upang sumailalim ito sa protective custody ng Senado bago misteryosong nakaalis sa gusali.
“Sa tingin ko, kahit hindi na tanungin ng law enforcement si Sen. Padilla kung saan, siya naman ay isang responsableng senador at responsableng mamamayan na nakakaalam na dapat siyang sumagot sa batas,” pahayag ni Matibag.
Idinagdag ni Matibag na kasalukuyan nang pinag-aaralan at binubuo ng Department of Justice (DOJ), katuwang ang iba pang ahensya, ang posibleng pananagutan sa batas ng mga tumulong kay Dela Rosa.
Hindi rin pinalampas ng pinuno ng NBI ang mismong institusyon ng Senado. Ayon kay Matibag, dapat panagutan ng Mataas na Kapulungan kung ano ang kahulugan ng kanilang ipinagkaloob na protective custody kay Dela Rosa matapos nilang harangin ang unang tangkang pag-aresto noong Mayo 11.
BASAHIN: RIGODON SA MGA KOMITE SA KAMARA, WALANG KINALAMAN SA BOTOHAN SA VP IMPEACHMENT
“Dapat nating maalala, sinabi nila na si Sen. Bato ay nasa ilalim ng kanilang protective custody. Kaya ‘yan ay isang bagay na dapat sagutin ng Senado. Noong una kaming pumunta roon… mayroong gentleman’s agreement kasama ang Senate president at ibang mga senador,” ani Matibag.
Binigyang-diin ng NBI chief na ang kahulugan ng custody ay panatilihing abot-kamay ng batas ang isang indibidwal, at hindi para itago ito laban sa mga legal na proseso. Ginamit pa ni Matibag ang analhiya ng pag-iwan ng bag sa isang department store: kung mawala ang bag, ang may hawak nito ang siyang responsable.
“Baka ang nagiging maling pagkakaunawa rito ay iba ang depinisyon ng Senado sa protective custody. Na hindi mo siya pwedeng arestuhin, pero pwede namin siyang patakasin. Mahirap na sistema ‘yan,” babala ni Matibag.
Nagbabala ang NBI na kung hahayaan ang ganitong sistema, magiging mapanganib itong halimbawa o precedent kung saan ang isang konstitusyonal na institusyon tulad ng Senado ay magiging “kanlungan ng mga pugante.”
“Kung nagbabalak kang maging isang propesyonal na kriminal at may kakayahan kang maging senador, magiging senador ka na lang para kapag inaresto ka, nandoon ka lang sa loob ng Senado,” patutsada ng opisyal.
Sa huli, sinabi ni Matibag na ang insidenteng ito ay sumasalamin sa mas malalim na problema ng bansa na unti-unting nawawalan ng disiplina at respeto sa batas (breakdown of law and order), na siyang pilit na ibinabalik ngayon ng NBI sa gitna na rin ng mabilis na pagkalat ng mga maling naratibo sa social media.
