Nakilala at natunton na ng mga otoridad ang drayber ng motorsiklo na nasangkot sa hit-and-run incident sa UP Campus sa Quezon City.
Sa ulat na ilinabas ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim ng pamumuno ni District Director PBGen. Randy Glenn Silvio ngayong Sabado, Mayo 23, 2026, kinilala ang drayber na isang 17-anyos na lalaki at residente ng Barangay San Vicente, ng naturang lungsod.
Nag-ugat ang paghahanap matapos mangyari ang insidente bandang alas-3:51 ng madaling araw noong Mayo 16, 2026, sa kahabaan ng C.P. Garcia Avenue corner Masinsinan Street, Barangay UP Campus.
Sa pamamagitan ng isinagawang masusing follow-up operation ng mga operatiba ng QCPD, matagumpay na natukoy ang drayber ng Honda PCX motorsiklo na nakabangga sa sasakyan ng biktima.
Agad na pinuntahan at inimbitahan ng mga otoridad ang menor de edad, kasama ang kaniyang mga magulang o guardian, gayundin ang biktima upang magharap sa himpilan para sa maayos na koordinasyon at pag-uusap ukol sa naganap na aksidente.
BASAHIN: SUSPEK SA PAGPATAY TINAMBANGAN SA RODRIGUEZ, RIZAL; HULI MATAPOS MAKUHANAN NG SHABU
Matapos ang isinagawang legal mediation sa tulong ng mga nagrepondeng pulis, nagkaunawaan at pormal na nagkasundo ang magkabilang panig nang mapayapa.
Sa ilalim ng kanilang kasunduan, boluntaryong sasagutin at babayaran ng 17-anyos na rider ang participation fee para sa pagkukumpuni o pagpapagawa ng napinsalang sasakyan ng biktima.
Kasabay nito, kapwa pumirma ang dalawang panig sa isang written settlement agreement at nagkasundo na hindi na magsasampa ng anumang pormal na kasong kriminal o sibil sa korte.
Gayunpaman, hindi pa rin nakaligtas ang drayber sa kaniyang paglabag sa batas trapiko matapos itong isyuhan ng Official Violation Receipt (OVR) para sa mga reklamong Reckless Driving at Involved in Accident, habang ang kaniyang Honda PCX motorsiklo ay pormal na dinala at na-impound sa tanggapan ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU) Headquarters.
Muling nagpaalala si PBGen. Silvio sa lahat ng mga motorista na palaging sumunod sa mga panuntunan at batas sa trapiko upang maiwasan ang mga trahedya sa kalsada.
Binigyang-diin ng hepe ng QCPD na sakaling masangkot sa isang aksidente, obligasyon ng drayber na huminto, makipagtulungan, at agad na ipagbigay-alam ang insidente sa mga otoridad sa halip na tumakas.
Dagdag pa nito, sa tulong ng napakaraming CCTV cameras na nakalatag ngayon sa mga pangunahing kalsada at krusan sa lungsod, napakadali na para sa mga tagapagpatupad ng batas na matunton at makilala ang mga sasakyang sangkot sa anumang krimen o aksidente sa lansangan.
