INATASAN na ng Department of Justice (DOJ) ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na isilbi ang arrest warrant at arestuhin si Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Inihayag ito ni Justice Secretary Fredderick Vida ngayong Huwebes, Mayo 21, 2026, isang araw matapos ibasura ng Supreme Court (SC) ang hiling na Temporary Restraining Order (TRO) ng senador upang harangin ang kaniyang pagka-aresto dahil sa mga kasong crimes against humanity sa ilalim ng International Criminal Court (ICC).
“I would like to confirm that Philippine law enforcement agencies — the PNP, NBI — are now tasked to effect the arrest of Sen. Dela Rosa,” ani Vida, sabay dugtong na itinuturing nang isang pugante ang dating PNP Chief kaya nararapat lamang itong dalhin sa ICC upang harapin ang mga kaso laban sa kaniya.
Tumanggi naman si Vida na magbigay ng karagdagang detalye ukol sa ginagawang hakbang ng pamahalaan at iniwasan ding gamitin ang salitang “manhunt” na tinawag niyang masyadong madramang termino, ngunit tiniyak nitong ipatutupad ng mga otoridad ang utos ng korte.
Nagbabala rin si Vida na papatawan ng parusa ang sinomang napatunayang nagkakanlong o tumutulong sa pagtatago ni Dela Rosa.
BASAHIN: NBI may ‘leads’ na sa kinaroroonan ni Sen. Bato; Matibag pinagre-resign si SP Cayetano
Bagama’t tiniyak ng DOJ na dadaan sa due process si Dela Rosa sa bansa at sa Netherlands, iginiit ng kalihim na mas kailangan ngayon ng closure ng mga pamilya ng mga biktima ng drug war.
“Iyong mga kababayan natin na naghahanap ng katarungan, ngayon patay na sila eh hindi na sila pwedeng kumuha ng abogado, hindi na sila pwedeng kumuha ng TRO,” pahayag ni Vida na nagsabing obligasyon ng gobyerno na tulungan ang mga biktima.
Agad namang tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na susundin ng kapulisan ang direktiba ng DOJ.
Bago ang utos ng DOJ, sinabi ng PNP na naghihintay pa sila ng pormal na instruksyon. Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, magiging katuwang lamang sila ng Interpol Manila sa pag-aresto sa tulong ng CIDG, habang nakadepende ang buong operasyon sa koordinasyon ng DOJ, NBI, at DFA.
Mula naman sa Malacañang, tiniyak ni Communications Undersecretary Claire Castro na gagawin ng administrasyong Marcos ang lahat upang ipatupad ang hustisya.
“Maliwanag ang sinabi ng DOJ na enforceable ang warrant of arrest laban kay Sen. Bato. Lahat ay gagawin ng ating mga opisyal para maibigay ang hustisya sa lahat,” saad ni Castro na muling nagkumpirma na balido ang warrant laban sa senador.
Sa kabilang banda, muling nakiusap si Senator Risa Hontiveros kay Dela Rosa na irespeto ang umiiral na batas at mapayapang sumuko sa mga otoridad upang maiwasan ang higit pang pinsala sa kredibilidad ng mga institusyon sa bansa.
Gayunpaman, binatikos ni Kabataan Party-list Representative Renee Co ang tila “special treatment” at labis na pagbibigay-galang ng pulisya kay Dela Rosa kumpara sa mga ordinaryong mamamayan.
Aniya, kapag mga mamamahayag, aktibista, o ordinaryong tao ang may kaso ay mabilis na isinisilbi ang warrant at inaarresto agad, kaya’t bukod sa pag-aresto ay hiningi rin nito ang pagpapalabas ng hold departure order laban sa senador.
Habang nananatili namang matatag ang kampo ni Dela Rosa sa pamamagitan ng kaniyang abogado na si Atty. Israelito Torreon na nag-anunsyong maghahain sila ng motion for reconsideration sa SC, nananatili pa ring nagtatago sa batas ang senador matapos itong tumakas sa Senado noong madaling araw ng May 14 kasunod ng nangyaring putukan.
