Ginawaran ang beteranong mamamahayag at kolumnista ng Daily Tribune na si Cynthia D. Balana bilang isa sa mga natatanging tatanggap ng prestihiyosong Icons of Change International Awards para sa taong 2026.
Kinilala ng samahan si Balana dahil sa kanyang “huwarang pamumuno sa pamamagitan ng natatanging investigative journalism, strategic public communications, institutional transparency, at ethical media practice sa Pilipinas.”
Ipinagkaloob ang parangal sa pagtataguyod ni Balana ng UN Sustainable Development Goal (SDG) 16 – Peace, Justice and Strong Institutions, na kasabay din sa pagdiriwang ngayong taon ng International Year of Volunteers for Sustainable Development.
Ayon sa pahayag ng Icons of Change, isang pandaigdigang plataporma na kumikilala sa mga lider at innovator sa iba’t ibang sektor sa buong mundo, kahanga-hanga ang naging 40-taong karera ni Balana na tinatampukan ng integridad at kahusayan sa larangan.
BASAHIN: Kongresista o Senador, puwedeng humaliling VP kung ma-impeach ang nakaupo – Comelec
“Through her decades of fearless reporting, ethical governance communication, and mentorship of future journalists, Cynthia D. Balana has illuminated marginalized voices, strengthened institutional accountability, and advanced informed public discourse — playing a vital role in reinforcing democratic values and transparent governance,” anang organisasyon.
Bago ang kanyang kasalukuyang kolum na “Open Minded” tuwing Huwebes sa Daily Tribune kung saan naglingkod din siya bilang Associate Editor, naging news at investigative reporter si Balana sa Philippine Daily Inquirer sa loob ng 32 taon.
Maliban sa media, humawak din siya ng mga mahahalagang posisyon sa komunikasyon sa pamahalaan, kabilang ang pagiging Chief Editor ng Presidential News Desk sa Presidential Communications Office (PCO) sa Malacañang, at Division Chief sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nagsilbi rin siyang consultant para sa Bureau of Customs at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Si Balana ay nagtapos ng Mass Communications at may Master’s degree sa Journalism mula sa Ateneo de Manila University bilang iskolar ng Konrad Adenauer Asian Center for Journalism.
Lumahok din siya sa mga tanyag na pandaigdigang fellowship tulad ng International Visitor Leadership Program (IVLP) ng U.S. State Department noong 2009.
Ilan sa mga parangal na kanyang natanggap sa bansa ay ang Best Investigative Report sa Catholic Mass Media Awards (2011 at 2012) at ang DSWD Gawad Ulat Award (2013 at 2014).
Naging grand finalist din siya sa Jaime V. Ongpin Awards for Excellence in Journalism.
Kabilang sa mga makakasama ni Balana na pararangalan sa darating na Disyembre 5, 2026 ay ang mga kilalang personalidad sa buong mundo gaya nina Emmy-award winning journalist Pauleen Le, BAFTA-award winner Chris Rodgers ng BBC, at iba pang mga lider mula sa United Nations at Rotary International.
