Si NBI Director Melvin Matibag sa 'MACHRA Balitaan' kasama sina (kaliwa) MACHRA President Itchie Cabayan at Board Chair Diann Calucin. (Arsenio Tan)
Tahasang inihayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na walang dalang armas at inaresto nang walang kaukulang warrant ang NBI volunteer na dinakip kasunod ng naganap na kaguluhan sa loob ng Senado kamakailan.
Sa kaniyang pagdalo bilang panauhin sa “MACHRA Balitaan” news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) ngayong Martes, Mayo 19, 2026, ibinunyag ni Matibag na personal niyang napanood ang video ng pag-aresto kay NBI volunteer Mel Oragon sa compound ng GSIS.
Binigyang-diin ng NBI Director na walang nakitang baril kay Oragon at sadyang “napagsuspetsahan lang siya” sa gitna ng komosyon.
Nilinaw din ni Matibag na noong unang pumutok ang gulo sa Senado, dalawang ahente lamang ng NBI ang nasa lugar, at sila ay nasa loob ng pasilidad ng GSIS at hindi sa mismong Senado, kasama ang isang blue guard mula sa GSIS.
BASAHIN: Onsehan sa droga? Lalaki tinadtad ng bala sa Antipolo, tepok
Kaugnay naman sa mga ulat na nagpositibo si Oragon sa gunpowder test, ipinaliwanag ng opisyal na may iba pang mga paraan kung bakit nagpopositibo sa nitrates ang isang tao nang hindi naman nagpaputok ng baril.
Ayon kay Matibag, sa tamang proseso ng chain of custody, dapat munang makuha ang baril bago isailalim sa paraffin test ang suspek upang mapatunayan ang posibilidad ng pamamaril.
Gayunman, maaari umanong makuha ang nitrates kung ang mismong humawak o dumiit sa suspek ay may pulbura sa kamay, na kalaunan ay lumipat sa katawan nito.
Ikiniwento pa ng NBI Chief na mula sa GSIS ay dinala si Oragon sa ikalawang palapag at doon idinapa kung saan nagpaputok nang nagpaputok ang mga tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado.
Batay din aniya sa kuha ng CCTV, nakita si Oragon sa ikalimang palapag habang may nagbabarilan at kitang-kita na wala itong hawak na armas hanggang sa pigilan at arestuhin siya ng OSAA.
Iginiit pa ng NBI Director na wala silang ikinasang opisyal na operasyon sa Senado nang araw na iyon.
Ang presensya ng mga ahente sa GSIS ay tugon lamang sa pormal na kahilingan ng pamunuan ng GSIS upang i-secure at i-seal sa pamamagitan ng drilling ang pitong points of entry na nagdudugtong sa dalawang institusyon, na pinto lamang ang namamagitan, upang mapangalagaan ang mga ari-arian sa loob.
Ang mga ahenteng nag-drilling ay sinasabing may kasama pa ngang mga miyembro ng media.
Pagtatapos ni Matibag, si Oragon ay isang ordinaryong volunteer lamang para sa isang agent-handler na hindi nakatatanggap ng sweldo mula sa kawanihan, at katunayan ay nagluto pa nga ito ng pagkain para sa mga mamamahayag kamakailan. (Arsenio Tan)
