Buong-pusong inihayag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Tawi-Tawi ang suporta nito sa pag-upo ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof A. Macacua bilang bagong pinuno ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE).
Sa isang opisyal na pahayag na inilabas nitong Martes, Mayo 19, binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na ang hakbang na ito ay sumasalamin sa tapat at transparent na pamamahala, lalo na sa gitna ng mga naunang isyu at obserbasyon ng Commission on Audit (COA) hinggil sa paggamit ng pondo sa nasabing ahensya.
Inaasam ng lalawigan na sa ilalim ng pamumuno ni Macacua ay matutugunan ang ilang dekada nang problema sa sektor ng edukasyon sa Tawi-Tawi.
BASAHIN: Mohagher Iqbal, ‘tsinugi’ bilang BARMM Education Minister
Kabilang sa mga pangunahing hiling ng probinsya ang mabilisang pagpuno sa daan-daang bakanteng posisyon para sa mga guro at non-teaching staff, partikular na sa mga malalayong komunidad at isla.
“Umaasa kami na sa pamamagitan ng bagong pamunuan, matutugunan nang may kaukulang urgensya ang problema sa mga sira-sira at kulang na mga gusaling-paaralan sa mga island municipalities upang mabigyan ang mga mag-aaral ng ligtas at marangal na espasyo sa pag-aaral,” ayon sa pahayag ng pamahalaang panlalawigan.
Bukod sa mga pasilidad at staffing, napanawagan din ang Tawi-Tawi sa MBHTE na agad bayaran ang mga natitirang obligasyon sa mga lokal na kontraktor na nakatapos na ng mga proyektong pang-imprastraktura sa edukasyon upang mapanatili ang tiwala ng publiko at pribadong sektor.
Naniniwala ang lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng tamang pagpopondo mula sa block grant ng Bangsamoro Government, mas mabibigyang-priyoridad ang kinabukasan ng kabataan sa rehiyon.
“Habang buhay kami sayo’y magbabantay. Alhamdulillah, Alhamdulillah. Pagpapalian Bangsamoro,” pagtatapos ng pahayag ng lalawigan, na nangakong mananatiling mapagmatyag para sa ikabubuti ng sektor ng edukasyon.
