Pinangunahan nina Marikina City Mayor Maan Teodoro at Cong. Marcy Teodoro ang pagbubukas ng taunang Balik Eskwela Shoe Bazaar sa Marikina Freedom Park ngayong Lunes, Mayo 18, 2026. Tampok sa bazaar ang 39 na stalls na nag-aalok ng mura, matitibay, at de-kalidad na sapatos at leather goods mula sa mga miyembro ng PFFI. Layon nitong matulungan ang mga magulang sa gastusin sa pasukan habang sinusuportahan ang mga lokal na sapaterong taga-Marikina. Bukas ang bazaar sa publiko hanggang Hunyo 21, 2026. (MARIKINA LGU PHOTO)
Upang matulungan ang mga pamilya sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at gastusin sa darating na pasukan, pormal nang binuksan ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang taunang “Balik Eskwela Shoe Bazaar” ngayong Lunes, Mayo 18.
Hatid ng bazaar ang mga mura ngunit de-kalidad na sapatos at produktong gawa sa katad para sa mga mag-aaral, guro, at mga magulang bago ang pagbubukas ng mga klase sa darating na Hunyo.
Pinangunahan ni Marikina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang opisyal na pagbubukas ng bazaar sa Marikina Freedom Park, kasama si dating Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, mga konsehal ng lungsod, at ang presidente ng Philippine Footwear Federation Inc. (PFFI) na si Nick Dela Paz.
BASAHIN: Pagputol sa mga higanteng puno para sa SMC Expressway, binatikos ng netizens
Ayon kay Mayor Maan, layunin ng inisyatiba na matulungan ang mga pamilyang makatipid sa mga pangangailangan sa eskwela habang sinusuportahan ang industriya ng pagsasapatos sa lungsod na nagbibigay-kabuhayan sa libu-libong lokal na manggagawa.
Inorganisa ng PFFI ang naturang bazaar na nagtatampok sa mga sapatos, bag, at iba pang leather goods mula sa 39 na lokal na tagagawa, kabilang ang mga kilalang kumpanya at mga bagong tatak sa industriya.
Siniguro ng alkalde na ang bawat produktong gawa sa Marikina, mapa-bag, sapatos, o sinturon man, ay subok na matibay at kinikilala sa buong bansa.
Nanawagan din siya sa mga residente at mga bisita na tangkilikin ang lokal na produkto dahil sa bawat isang sapatos na binibili ay may lima hanggang sampung pamilya ng mga manggagawang taga-Marikina ang natutulungan.
Bukod sa abot-kayang presyo para sa publiko, inanunsyo rin ng pamahalaang lungsod na lahat ng empleyado ng gobyerno ay makakakuha ng karagdagang 10 porsyentong diskwento sa kanilang mga mamilihin sa bazaar.
Bukas ang mga stall sa Freedom Park hanggang Hunyo 21, 2026, mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi tuwing Lunes hanggang Huwebes, at hanggang alas-8:00 naman ng gabi tuwing Biyernes hanggang Linggo.
Bilang bahagi ng pangmatagalang suporta sa industriya, plano rin ng lokal na pamahalaan na maglunsad ng mga karagdagang proyekto tulad ng isang shoemaking museum, isang one-stop shop para sa mga produktong Marikina malapit sa city hall, isang mobile roaming shoe truck, at paglalagay ng mga shoe stall sa loob ng Marikina Town Center upang mas mapalawak pa ang merkado ng kanilang sikat na sapatos.
