Photo BryJa/FB
Umani ng matinding pagkadismaya at galit mula sa mga netizens at mga maka-kalikasan ang pagputol sa mga dambuhalang puno na may daaang-taon na ang tanda sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Maynila upang bigyang-daan ang Expressway Project ng San Miguel Corporation (SMC).
Hayagang ipinahayag ng netizen na si BryJa ang kaniyang matinding pagkadismaya at panghihinayang matapos putulin ang mga dambuhalang puno, isang hakbang na pinayagan din umano ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
BASAHIN: FDA nagbabala sa pagbili at paggamit ng Luxe Skin
Malaking hamon din umano ito sa kaligtasan ng mga hayop dahil ang mga pinutol na puno ay katapat mismo ng Manila Zoo kung saan maraming mga migratory birds at maging mga ligaw na lawin ang nakikisilong at ginagawa itong kanlungan.
Nagbabala rin ang mga netizen na dahil katapat mismo ng zoo ang bagong kalsada, direktang malalason ng polusyon at emisyon ng mga sasakyan ang mga pambihirang hayop na inaalagaan sa loob ng pasilidad.
Maliban sa epekto sa kalikasan, idinagdag ng mga residente na malaking kawalan din ito sa mga naglalakad mula sa Quirino Avenue patungong Manila Zoo at Ospital ng Maynila dahil ang mga naturang puno ang nagsisilbing natural na silong at pananggalang sa matinding init ng araw.
Giit ng mga netizen, bilang mga taong nagpapahalaga sa kalikasan, mas pipiliin pa rin nila ang mga puno kaysa sa modernong imprastraktura lalo na sa mga lugar kung saan may mga buhay na umaasa rito.
