Rehas ang bagsak ng isang 21-anyos na pawnshop appraiser matapos itong mahuli sa aktong pagnanakaw umano ng mga gintong singsing at silver coins mula sa isang customer sa Kamias Road, Quezon City nitong Sabado.
Kinilala ni PBGEN Randy Glenn Silvio, District Director ng Quezon City Police District (QCPD), ang suspek na si alyas “Edmar,” residente ng Brgy. San Roque Murphy at empleyado ng nasabing pawnshop.
Base sa ulat ng Anonas Police Station (PS 9), naganap ang insidente dakong alas-1:00 ng hapon nitong Mayo 9. Pumunta ang biktimang customer sa sanglaan upang ipa-appraise ang dalawang gintong singsing, isang putol na hikaw, at 25 piraso ng Silver Liberty Coins na tinatayang nagkakahalaga ng P34,000.
Gayunpaman, nang suriin ng biktima ang acknowledgment receipt at reference photo, napansin niyang kulang ang idineklarang item—isang gintong singsing at ilang pilak na barya ang nawawala. Agad itong ipinagbigay-alam sa security ng pawnshop at humingi ng saklolo sa mga awtoridad.
Sa mabilis na pagresponde ng mga tauhan ni PLTCOL Leonie Ann Dela Cruz, nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang isang maliit na ziplock bag na naglalaman ng siyam (9) na Silver Liberty Coins at isang gintong singsing na kabilang sa mga isinangla ng biktima.
Lumalabas din sa imbestigasyon na sadyang binago ng suspek ang timbang ng mga alahas sa resibo upang pagtakpan ang kanyang ginawa. Ang mga narekober na item ay kinumpirmang genuine 18K gold at tunay na silver coins.
Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong Theft at Estafa/Swindling sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni PBGEN Silvio ang mabilis na aksyon ng PS 9. “Ang insidenteng ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagiging mapagmatyag at mabilis na pag-uulat sa pulisya upang maiwasan ang krimen at maprotektahan ang publiko,” pahayag ng opisyal.
