Inatasan ng Korte Suprema nitong Lunes si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na magsumite ng kaniyang panig hinggil sa petisyong naglalayong i-cite siya sa indirect contempt dahil sa kaniyang matatalas na kritisismo laban sa hukuman kaugnay ng desisyon sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang resolusyon ng SC En Banc, binigyan ang senador ng sampung araw na palugit na hindi na maaaring palawigin pa upang sagutin ang mga akusasyon.
Ayon kay SC spokesperson Atty. Camille Ting, ang resolusyon ay ipinadala sa respondent ngayong Mayo 4, 2026, at alinsunod dito ay dapat magsumite ang senador ng komento bago ang Mayo 14.
Gayunpaman, nilinaw ng hukuman na ang atas na ito ay ginawa nang “without necessarily giving due course to the petition,” o hindi pa awtomatikong pagtanggap sa merito ng reklamo.
Ang petisyon ay inihain nina Atty. Ferdinand Topacio, Manuelito Luna, at iba pang mga abogado noong Pebrero matapos punahin ni Sotto ang naging desisyon ng SC sa Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente.
Iginiit ni Topacio na naniniwala silang ang mga pahayag ni Sotto ay lumampas sa hangganan ng lehitimong komentaryo dahil ang mga ito ay “tend to destroy the credibility and undermine the faith of the people in the SC.”
Matatandaang binatikos ni Sotto ang hukuman at sinabing ang Saligang Batas ay “amended unconstitutionally” dahil sa umano’y pakikialam o overreach ng SC.
Binigyang-diin pa ng senador na “it would take decades to correct the misinterpretation” na naganap sa panig ng mga mahistrado.
Ang mga pahayag na ito ay inilabas ni Sotto matapos ibasura ng SC “with finality” ang hiling ng Kamara na baligtarin ang naunang desisyon na pabor kay Duterte.
Bilang tugon, tiniyak naman ni Sotto na maghahain siya ng kaniyang pormal na komento sa lalong madaling panahon.
Sa kabila nito, nanatili ang kaniyang posisyon na ang naturang petisyon ay “a mere publicity stunt” at isang “nuisance suit” na wala umanong legal o factual na basehan.
