Tahasang itinatwa ng kampo ni Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ang mga ulat na naglalaman ng kabuuang P6.7 bilyon ang kanilang mga bank account. Sa isang pahayag nitong Lunes, tinawag ng kaniyang legal counsel na isang malaking “kasinungalingan” at “bloated” o pinalobo lamang ang naturang halaga.
Ayon kay Atty. Peter Paul Danao, abogado ni Carpio, walang batayan ang numerong inilabas sa pagdinig ng Kamara. Ang paglilinaw ay ginawa matapos magtestigo si Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Ronel Buenaventura sa impeachment hearing noong April 22.
Sa ulat ng AMLC, binanggit na mayroong 33 suspicious transactions at 630 covered transactions na may kabuuang halagang P6.7 bilyon; P4.4 bilyon na pumasok (inflow) sa mga account nina Duterte at Carpio; P1.5 bilyon na inilabas (outflow); at P791 milyon na hindi pa matukoy kung inflow o outflow.
Sa kabila ng pagtatanggi, tumanggi si Atty. Danao na ilahad ang eksaktong halaga ng pera sa banko ng kaniyang kliyente. Iginiit niya na si Carpio ay isang pribadong mamamayan at hindi dapat madamay sa mainit na usaping politikal.
“Atty. Carpio is not part of the impeachment proceedings… He doesn’t want to be embroiled in this political circus, and, more importantly, disclose his private information,” ani Danao sa isang press conference.
Ipinatawag ang AMLC sa pagdinig matapos maghain ng impeachment complaint laban kay VP Duterte dahil sa mga alegasyon ng unexplained wealth, maling pagdedeklara sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at umano’y maling paggamit ng pampublikong pondo.
Nanindigan naman ang kampo ni Carpio na ang kaniyang mga transaksyon ay pribado at walang kinalaman sa nagaganap na politikal na usapin sa Mababang Kapulungan.
