Kinumpirma ng Malacañang nitong Huwebes, Abril 30, na batid ng gobyerno ng France ang kinakaharap na pananagutan sa batas ng puganteng si dating mambabatas Zaldy Co, habang patuloy na gumagawa ng hakbang ang Pilipinas para maibalik ito sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro na personal na itinalakay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang status ni Co sa pakikipagpulong nito kay French Ambassador Marie Fontanel noong Miyerkules.
“Sinabi po niya na ang bungad po ng Pangulo ay patungkol sa estado ni Zaldy Co na isang fugitive na dapat na mayroong panagutan sa ating bansa kung siya man po ay masasabing guilty,” ani Castro.
Ayon kay Castro, naging positibo naman ang tugon ni Ambassador Fontanel at kinilala ang sitwasyon ni Co bilang isang indibidwal na kailangang humarap sa hustisya. Gayunpaman, tumanggi ang embahador na magbigay ng detalye hinggil sa hiling na political asylum ni Co sa France hangga’t wala siyang kaukulang awtorisasyon.
Matatandaang naiulat na nasa France na si Co matapos itong makalaya mula sa kustodiya ng Czech Republic. Kinumpirma ni Czech Republic Chargé d’Affaires Eva Tenzin na dating nadetalye si Co sa kanilang bansa dahil sa invalid travel documents, ngunit kalaunan ay nakalaya rin.
Hindi naman itinago ni Pangulong Marcos ang kanyang dismayado sa pagkakawala ni Co sa kustodiya ng Czech authorities. Humihingi na ngayon ang Palasyo ng malinaw na paliwanag mula sa France at Czech Republic kung paano nangyari ang mga naturang kaganapan.
Tiniyak ng gobyerno na hindi sila titigil sa paggamit ng lahat ng legal at diplomatikong paraan upang mapauwi si Co. Ang dating mambabatas ay nahaharap sa kasong graft at Malversation of Public Funds.
Nanatiling prayoridad ng administrasyong Marcos na papanagutin si Co sa ilalim ng batas ng Pilipinas sa oras na ito ay muling maibalik sa bansa.
