Tinatapos na ng mga artist at progresibong grupo ang isang malaking mural at effigy na naglalarawan kina Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu, US President Donald Trump, at President Ferdinand Marcos Jr. sa headquarters ng Kilusang Mayo Uno (KMU).
Ang nasabing likhang-sining ay magsisilbing sentro ng protesta sa darating na Araw ng Paggawa, Mayo 1, 2026. Sa pamamagitan ng simbolismong ito, layon ng KMU na tuligsain ang pakikialam ng mga dayuhang kapangyarihan sa bansa at ang anila’y pagkabigo ng administrasyong Marcos na tugunan ang mga pangunahing hinaing ng mga manggagawa.
Ayon sa grupo, sentro sa kanilang panawagan ngayong Labor Day ang makabuluhang dagdag-sahod sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, pagtigil sa kontraktwalisasyon at pagtiyak sa seguridad sa trabaho at pananagutan sa mga isyung politikal at pagtutol sa militarisasyon at agresyong dayuhan na nararanasan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Inaasahang libo-libong manggagawa ang magtitipon-tipon sa mga pangunahing lansangan bukas upang bitbitin ang effigy patungong Mendiola bilang hudyat ng kanilang mariing pagkilos at paniningil sa gobyerno.
