Opisyal nang sinibak sa kanilang mga tungkulin ang labing-isang (11) matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa lalawigan ng Pangasinan kasunod ng napaulat na talamak na operasyon ng ilegal na sugal na jueteng sa rehiyon.
Base sa inilabas na relief order na may petsang April 27, 2026, kabilang sa mga tinanggal sa pwesto ay ang Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) at sampung iba pang opisyal na nagsisilbing mga Chief of Police sa mga bayan kung saan napatunayang laganap ang operasyon ng jueteng.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief BGen. Randulf Tuaño, naging epektibo ang balasahan noong Lunes, April 27. Ang kautusan ay inisyu sa ilalim ng direktiba ni Police General Jose Melencio Nartatez Jr.
Kabilang sa mga opisyal na inalis sa Police Regional Office 1 (PRO 1) ay sina PCOL Arbel Castro Mercullo (Provincial Director), PLTCOL Jessie Dacus Balinang, PLTCOL Quintin Tomelden Casabar Jr. PLTCOL Zaldy Curbi Fuentes, PLTCOL Arvin Gomez Jacob, PLTCOL Norman Tabaldo Rañon, PMAJ Noel Dela Cruz Cabacungan, PMAJ Ramsey Balisong Ganaban, PMAJ Peter Paul Valerio Sison, PCPT Benedict Campos Espinoza at PCPT Christopher Pajatin Nacional.
Ang mga nasabing opisyal ay kasalukuyang inilipat sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) sa ilalim ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) sa Camp Crame habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng masiglang kampanya ng pambansang pulisya laban sa ilegal na sugal at pagpapatupad ng pananagutan sa hanay ng mga namumuno sa lokal na kapulisan.
