SUMIKLAB ang sunog sa malaking bahagi ng Navotas Sanitary Landfill sa Barangay Tanza 2 na nagsimula Biyernes ng gabi sa hindi pa matukoy na mga kadahilanan.
Pahirapan umano ang pag-apula sa apoy dahil hindi makapunta sa lugar ang mga barge na magsasakay sana ng mga fire trucks bunga ng pagkati ng tubig o low tide kaya kinailangang humingi ng tulong sa Philippine Air Force (PAF) ang Navotas City Government at San Miguel Corporation (SMC) na siyang nagmamay-ari na ng 40-ektaryang pasilidad.
Agad inatasan ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na sumama sa Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagpunta sa naturang landfill upang suriin kung may mga residenteng naapektuhan ng masangsang na amoy na usok na nagmumula sa sunog.
Nang maghigh tide, agad umalis mula sa C4 Centennial Park ang barge ng SMC, sakay ang dalawa nilang tankers at isang pumper fire trucks mula sa BFP, at pasado alas-10 ng Sabado ng umaga ay iniulat ng BFP na kontrolado na nila ang sunog sa tulong din ng chopper ng PAF.
Bagama’t walang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog, pinakilos ni Mayor Tiangco ang mga kinauukulang tanggapan ng lokal na pamahalaan upang tiyaking hindi nakaapekto sa kalusugan ng kanilang kababayan ang usok na nagmula sa dumpsite na ayon sa BFP ay maituturing na “toxic” o nakalalason,
Nagtungo rin sa lugar ang team ng Environmental Management Bureau – National Capital Region (EMB-NCR) sa pangunguna ni Regional Director Engr. Vizminda Osorio upang suriin ang kapaligiran.
Magugunita na tuluyang ipinasara ang naturang landfill noong Agosto ng nagdaang taon matapos katigan ng hukuman ang inihaing expropriation case ng San Miguel Aerocity Inc. (SMAI) dahil gagamitin ang naturang lugar na may kaugnayan sa pagtatayo ng New Manila International Airport sa Bulacan.
