Isang 37-anyos na lalaki ang arestado matapos ang isang “follow-up operation” ng Quezon City Police District (QCPD) kaugnay ng isang marahas na robbery incident sa Novaliches kung saan ginamit na pain ang isang cake na diumano’y galing sa Mayor.
Kinilala ni QCPD Director PBGEN Randy Glenn Silvio ang suspek na si alyas “Regin,” residente ng Brgy. Commonwealth. Siya ay nadakip matapos matunton ang ginamit na getaway vehicle sa pamamagitan ng GPS tracker.
Base sa ulat ng Novaliches Police Station 4, naganap ang krimen noong April 7 sa San Bartolome. Isang babaeng suspek ang kumatok sa pintuan ng mga biktima habang may dalang cake at nagpanggap na pinadala ito ng Mayor.
Nang buksan ang pinto, agad na pumasok ang suspek kasama ang apat pang lalaki at isa pang babae. Tinutukan ng baril, iginapos, at piniringan ang mga biktima bago tinangay ang dalawang motor (Yamaha Aerox at Nmax) at isang Mazda Sedan; sari-saring gadgets, laptops, at alahas; at CCTV DVR at P80,000 na cash.
Nalaman ng mga awtoridad sa tulong ng CCTV at LTO na ang ginamit na getaway car na Toyota Innova ay inarkila lamang ng suspek na si Regin para diumano sa isang “team building.”
Noong April 6, ipinagpalit niya ang Innova para sa isang pulang Toyota Vios.
Dahil may GPS tracker ang nasabing Vios, natunton ito ng mga pulis sa kahabaan ng Commonwealth Avenue malapit sa Litex noong gabi ng April 8.
Nang bumaba ang suspek, nakita ang isang baril na nakasukbit sa kanyang baywang na naging mitsa ng kanyang pagkakaaresto.
Narekober din sa kanya ang ilang gamit na pagmamay-ari ng mga biktima.
Sa ginawang imbestigasyon, kinilala ang mga nakatakas na kasamahan na sina alyas “Herbert,” “Crispin,” “Chagibis,” “Jeanalyn,” at “Jhen.”
Lumabas sa verification na sina alyas Jhen at Hagibis ay marami na palang kaso ng swindling (Estafa). Si alyas Herbert naman ay dating nasangkot sa droga, theft, robbery at carnapping, habang si Jeanalyn ay may mga kasong Estafa at Theft noong 2024 hanggang early 2026.
Nahaharap si Regin sa mga kasong Robbery, paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 (RA 10883), at Illegal Possession of Firearms (RA 10591).
“Nagpapatuloy ang aming manhunt operations para madakip ang iba pang mga suspek. Nanawagan kami sa publiko na kung may impormasyon tungkol sa kanila, agad na iulat sa pinakamalapit na istasyon o tumawag sa E911,” ani PBGEN Silvio.
