TINATAYANG nasa mahigit P9.7 milyong halaga ng diesel ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isinagawang operation laban sa illegal petroleum trading sa Navotas City, Martes ng hapon.
Sa ulat, nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon hinggil sa nagaganap umanong ‘paihi’ (illegal fuel pilferage) sa Market 3, Pier 5, Navotas Fish Port Complex, Brgy. NBBS.
Kaagad nakipag-koordinasyon ang pinagsanib na mga operatiba ng PNP Highway Patrol Group–RHPU NCR, PNP Maritime Group at Philippine Coast Guard sa Department of Energy bago sinalakay ang nasabing lugar.
Dakong alas-12:30 ng tanghali nang maaktuhan ng mga awtoridad ang ilegal umanong ‘paihi’ ng diesel na isinasalin sa isang fuel tanker mula sa isang cargo vessel sa nasabing lugar.
Siyam katao na nagtatrabaho bilang drivers, helpers, at vessel captain ang arestado nang walang maipakitang kinakailangang mga dokumento.
Nakumpiska ang isang fuel tanker na may kargang nasa 15,000 liters ng diesel, cargo vessel na ginagamit bilang makeshift depot at naglalaman ng mahigit 50,000 liters ng diesel, fuel hoses at pumping equipment.
Ang nasamsam na diesel ay umaabot sa 65,000 liters, na may estimated market value na ₱9.75 milyon.
Pinuri ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang matagumpay na operation. “Hindi natin papayagan ang ganitong ilegal na gawain na naglalagay sa panganib sa ating mga kababayan. Tuloy-tuloy ang ating aksyon laban dito,” pahayag niya.
“These activities threaten public safety and the legitimate fuel supply. We will sustain our operations to hold those responsible accountable,” dagdag niya. (JUVY LUCERO)
