Muling nagpamalas ng kahusayan ang lalawigan ng Bulacan matapos itong hirangin bilang Best Implementor for Population and Development Integration sa prestihiyosong The Outstanding Population Structure (TOPS) Regional Awards.
Ipinagmalaki ni Gobernador Daniel R. Fernando, kasama ang Head ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na si Rowena J. Tiongson, ang nakamit na plake at sertipiko ng pagkilala sa harap ng mga kawani ng pamahalaan sa ginanap na Flag Raising Ceremony sa Bulacan Capitol Gymnasium kamakailan.
Ang nasabing parangal ay iginawad noong Marso 19, 2026, sa Sacop Ephatha Development Center sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga bilang pagkilala sa epektibong pagpapatupad ng lalawigan ng mga programa sa populasyon na nakaangkla sa pangkalahatang pag-unlad.
Ayon sa gobernador, ang tagumpay na ito ay bunga ng pagkakaisa ng iba’t ibang sangay ng pamahalaang panlalawigan upang matiyak ang kalidad ng serbisyo para sa bawat pamilyang Bulakenyo.
Saksi rin sa pagtatanghal ng parangal sina Panlalawigang Tagapangasiwa Antonia V. Constantino, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na sina Bokal Renato DL. De Guzman, Jr., Fortunato SJ. Angeles, Romina D. Fermin, at Josef Andrew T. Mendoza.
Dumalo rin para magbigay-suporta sina Commission on Population and Development (CPD) Region III Officer Bores N. Pitero, kasama ang mga kinatawan mula sa PSWDO na sina Katherine G. Faustino, Aliza F. Martin, at Ellaine Garcia na siyang mga katuwang sa pagpapatupad ng mga programang Adolescent Health and Development (AHD) at Responsible Parenthood and Family Planning (RPFP).
Ang TOPS Regional Awards ay taunang pagkilala na ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan sa Rehiyon III na nagpapakita ng natatanging inisyatiba sa pamamahala ng populasyon at pagpapaunlad ng komunidad.
