Nagpatawag ng pagpupulong ang Malacañang nitong Abril 6 kasama ang mga lider ng iba’t ibang grupo ng negosyo at mga kumpanya ng langis.
Layon ng nasabing hakbang na bumuo ng mga estratehiya upang maibsan ang bagsik ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa produktibidad ng bansa at sa bulsa ng mga mamimili.
Sa nasabing dayalogo, hinarap ng mga opisyal ng Palasyo ang 22 lider mula sa siyam na malalaking business groups, gayundin ang 25 ehekutibo mula sa 14 na kumpanya ng langis.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, naging prayoridad sa usapan ang pagtiyak sa sapat na suplay at imbentaryo ng bansa.
Kinumpirma naman ni Energy Secretary Sharon Garin na mayroong sapat na suplay ng langis ang Pilipinas na tatagal ng hanggang 50 araw.
Dahil ang krudo ang bumubuo sa halos 70% ng gastos sa pagbibiyahe ng mga produkto, hinimok ng mga negosyante ang gobyerno na ayusin ang mga “logistics bottlenecks.”
Bilang tugon, agad na inatasan ni Recto ang Bureau of Customs na aksyunan ang panukalang magbukas ng mga container yard sa labas ng Metro Manila upang maibsan ang pagsisikip sa mga pantalan.
Ipinasa na rin sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang usapin ng pagrepaso sa oras ng truck ban para sa “urgent review.”
Ayon sa Malacañang, ang anumang antala sa pagbiyahe ng kargamento ay nangangahulugan ng karagdagang gastos na kalaunan ay ipinapasa rin sa mga konsyumer.
Kabilang sa mga direktiba ng Office of the President ang pagpapabilis sa mga online transactions para sa mga dokumento bilang tipid-enerhiya; pag-aksyon sa hiling na babaan ang mga fees na siningil ng mga lokal na pamahalaan at pag-aalis ng mga hindi kinakailangang checkpoints, lalo na para sa mga biyahero ng mga pagkaing mabilis mabulok.
Hiningi naman ni Recto ang suporta ng pribadong sektor sa pamamagitan ng pagpapatupad ng energy saving measures, flexible work arrangements, at pag-iwas sa “unfair pricing practices.”
Binigyang-diin ng kalihim na ito ang panahon para sa pagtutulungan ng lahat at hindi para sa pagsasamantala ng iilan.
Tiniyak ng gobyerno na magpapatuloy ang mga targeted assistance para sa mga pinaka-apektadong indibidwal at maliliit na kumpanya.
Ang mga naging mungkahi sa pulong ay ipinasa na bilang mga direktiba sa iba’t ibang ahensya gaya ng DILG at PEZA upang matiyak ang mabilis na implementasyon.
Bukod kay Recto at Garin, dumalo rin sa pagpupulong sina Arsenio Balisacan ng NEDA at Dave Gomez ng PCO.
Kasama sa mga grupong nakiisa ang PCCI, Makati Business Club, SEIPI, at iba pang malalaking samahan ng mga negosyante sa bansa.
