Isang matinding dagok ang kailangang paghandaan ng mga motorista sa susunod na linggo matapos ihayag ang panibagong bugso ng “mega price hike” sa mga produktong petrolyo. Ito ay bunsod pa rin ng lumalalang krisis sa enerhiya dulot ng lumalawak na digmaan sa pagitan ng US-Israel at Iran sa Middle East.
Ayon sa mga source mula sa industriya ng langis, ito ang mga inaasahang itataas ng presyo simula sa susunod na linggo:
- Diesel: ₱14.00 hanggang ₱14.50 kada litro
- Gasolina: ₱7.00 hanggang ₱7.50 kada litro
Dahil sa panibagong taas-presyo, inaasahang aabot na sa ₱130.00 ang bawat litro ng diesel, habang ang gasolina naman ay tuluyan nang lalampas sa ₱100.00 mark. Sumunod ito sa naganap ding “double-digit” na dagdag-presyo nitong nakaraang linggo.
Ang banta ng kakulangan sa supply ang pangunahing dahilan ng paglobo ng presyo. Maraming energy infrastructures sa Middle East ang napinsala dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Amerika, Israel, at Iran, na nagdulot ng pangamba sa pandaigdigang merkado.
Batay sa datos ng Department of Energy (DOE) para sa linggo ng Marso 17 hanggang Marso 23, narito ang kasalukuyang umiiral na presyo bago ang susunod na dagdag-singil:
- Diesel: ₱91.35 – ₱114.90 per liter
- Gasolina: ₱86.40 – ₱100.30 per liter
- Kerosene: ₱91.90 – ₱143.79 per liter
Tiniyak naman ni Energy Secretary Sharon Garin na sapat ang supply ng langis sa bansa, ngunit mahigpit siyang nagbabala laban sa mga mapagsamantala o nag-iimbak ng supply (hoarding).
“Kung mag-hoard ang isa, maapektuhan ang iba, lalo na ang mga PUVs. Kailangan nating pigilan ang hoarding at huwag magdulot ng higit pang takot sa ating mga kababayan,” ani Garin.
Pinapayuhan ang mga motorista, lalo na ang mga transport group, na magtipid at ihanda ang badyet para sa inaasahang “rough ride” sa presyo ng enerhiya ngayong buwan ng Marso. LIMUEL TOLENTINO
