Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na naging pangkalahatang mapayapa at maayos ang ikinasang nationwide transport strike kahapon, Marso 19, 2026.
Ang nasabing kilos-protesta ay inorganisa ng iba’t ibang transport groups upang ipabatid ang kanilang matinding hinaing laban sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang suliraning kinakaharap ng sektor ng transportasyon.
Ayon sa ulat ng PNP, bagama’t nagsagawa ng mga rally at programa sa iba’t ibang bahagi ng bansa, wala namang naiulat na anumang untoward incidents o kaguluhan.
Nagpakalat ng sapat na bilang ng mga pulis sa mga istratehikong lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, pamahalaan ang daloy ng trapiko at nagbigay ng assist sa mga commuter na na-stranded dahil sa tigil-pasada.
Binigyang-diin ng pamunuan ng PNP na nananatili ang kanilang respeto sa karapatan ng mamamayan sa mapayapang pagtitipon habang pinapanatili ang kaayusan.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan upang masigurong mabilis ang pagtugon sa anumang pangangailangan.
“Tinitiyak namin sa publiko na ang PNP ay nananatiling alerto at handang tumugon sa anumang sitwasyon upang pangalagaan ang seguridad ng lahat,” saad sa opisyal na pahayag ng PNP.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng adhikain ng pambansang pulisya sa ilalim ng islogang: “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
