Sumuko na sa awtoridad ang drayber ng motorsiklo na sangkot sa madugong panghoholdap at pagpatay sa isang retiradong pulis-Maynila na nagsisilbi bilang security aide ni Mayor Isko Moreno.
Ang suspek, na kinilala sa alyas na “Biboy,” ay sumuko sa isang dating pulis sa Tondo at kasalukuyan nang nasa ilalim ng pangangalaga ng Manila Police District (MPD) Homicide Section.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Biboy na tagapagmaneho lamang siya at wala siyang ideya na babarilin at papatayin ng kanyang back-ride na kinilalang si “Albert” ang biktimang si George Capistrano, 56-anyos.
Ayon sa suspek, inutusan lamang siya ni Albert na buntutan ang biktima matapos mapansin ang suot nitong pulseras.
Matapos ang krimen, tumakas ang dalawa patungong Pampanga kung saan nila naibenta ang ninakaw na alahas sa halagang P300,000, kung saan P100,000 ang napunta kay Biboy bilang kanyang parte.
Nagpaabot naman ng paumanhin si Biboy sa pamilya ni Capistrano at nanawagan kay Albert na sumuko na rin sa mga pulis habang patuloy ang isinasagawang manhunt operation laban dito.
Matatandaang hinarang at binaril si Capistrano sa tapat mismo ng kanyang bahay sa panulukan ng Salonga at Buendia Street sa Barangay 134, Balut, Tondo, noong madaling araw ng Marso 15.
