Binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan para sa pagpapakilos sa mga Child Protection Committees (CPC) upang masugpo ang nagpapatuloy na mga insidente ng bullying sa mga paaralan.
“Epektibong makinarya ang mga child protection committees laban sa bullying sa mga komunidad, na kabilang ang mga guro, at mga magulang. Ang mungkahi ko sa Department of Education ay paigtingin natin ang pagbuo ng mga child protection committee o CPC sa mga eskwelahan para masugpo natin ang bullying,” ani Gatchalian, Vice Chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Ganito rin ang naging rekomendasyon ng sendor noong nakaraang taon noong pinamunuan niya ang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education ukol sa school bullying.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 40 s. 2012, mandato sa mga paaralang bumuo ng kanilang mga CPC upang tiyakin ang proteksyon at kaligtasan ng mga kabataan, magpamahagi ng mahalagang impormasyon, magsagawa ng mga gawain upang protektahan ang mga kabataan mula sa pang-aabuso, at iba pa.
Noong nakaraang taon din, pinuna ni Gatchalian na 966 lamang sa mahigit 45,000 na mga pampublikong paaralan ang may aktibong mga CPCs.
Binigyang diin din ni Gatchalian na sa nakaraang dalawang round ng Programme for International Student Assessment (PISA), lumalabas na ang mga mag-aaral ng Pilipinas ang pinakamadalas na nakakaranas ng bullying.
