Sinabi ni Senador Win Gatchalian na kailangang bilisan ng pamahalaan ang pagtanggap ng bansa sa mga electric vehicle (EV) upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng langis na inaangkat ng Pilipinas sa Gitnang Silangan sa gitna ng tension sa rehiyon.
“Ang patuloy na kaguluhan sa Middle East ay dapat magsilbing wake-up call. Kailangan nating bawasan ang pagiging bulnerable ng bansa sa pabago-bagong presyo ng langis. Paulit-ulit na lang na pinapasan ng mga Pilipino ang bigat ng pagtaas ng presyo ng langis,” ani Gatchalian.
“Ang pagpapabilis sa ating transisyon patungo sa paggamit ng mga EV ay makatutulong upang protektahan ang lokal na ekonomiya mula sa fuel shocks,” dagdag niya. Ang Pilipinas ay nag-aangkat ng 96% hanggang 99% ng pangangailangan nito sa langis.
Sinabi ng mambabatas na kailangang bilisan ng pamahalaan ang pagpapatayo ng mga kinakailangang suportang imprastraktura, gaya ng mga charging station, upang mahikayat ang mas maraming organisasyon at indibidwal na gumamit ng EV.
Sa ilalim ng Comprehensive Roadmap for the Electric Vehicle Industry (CREVI), may konserbatibong target ang pamahalaan na magkakaroon ang bansa ng 7,300 vehicle charging stations sa taong 2028, kumpara sa mas ambisyosong layunin na 66,500.
Ang CREVI ay ipinatupad kasunod ng pagsasabatas noong Mayo 2022 ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA), na iniakda ni Gatchalian, upang suportahan ang paggamit ng EV sa buong bansa.
