Tahasang pinabulaanan ng Malacañang ang naging pahayag ni Bise Presidente Sara Duterte na madali lamang para sa gobyerno ang magpadala ng mga eroplano sa Middle East upang iuwi ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng nagpapatuloy na gulo sa rehiyon.
Sa isang panayam sa radio program, nilinaw ni Communications Undersecretary Claire Castro na hindi basta-basta makapagpapadala ng sasakyang panghimpapawid ang administrasyon dahil sa pagsasara ng ilang airspace sa gitna ng tumitinding tensyon.
Ayon kay Castro, mismong si Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang nagbigay-diin sa pulong ng mga opisyal na hindi biro ang operasyong ito.
Ipinaliwanag ni Castro na imposible ang mungkahi ng Bise Presidente dahil kapag sarado ang himpapawid ng mga bansa sa rehiyon, walang anumang eroplano ang maaaring dumaan o lumipad.
Binigyang-diin niya na ang prayoridad ng administrasyong Marcos ay ang seguridad ng mga Pilipino, lalo na’t nanganib lamang ang buhay ng mga bakwit kung pipiliting lumipad habang may mga airstrike at nagliliparang missile sa paligid.
Magugunitang sinabi ni Duterte na maaaring kumuha ng charter flights ang gobyerno para sa repatriasyon ng mga Pinoy, gaya ng karanasan niya bilang alkalde ng Davao City noong panahon ng COVID pandemic.
Gayunpaman, iginiit ng Malacañang na iba ang sitwasyon sa gitna ng aktibong giyera kung saan ang bawat galaw ay dapat tiyaking ligtas para sa buhay ng mga kababayan.
