Dumating na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa New York nitong Linggo para sa isang mahalagang dalawang araw na working visit na nakatuon sa pagpapalakas ng papel ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad.
Pangunahing layunin ng biyaheng ito ang isulong ang kandidatura ng Pilipinas para sa isang non-permanent seat sa United Nations Security Council para sa termining 2027–2028.
Ang pagkakaroon ng upuan sa nasabing makapangyarihang konseho ay magbibigay sa bansa ng pagkakataong makilahok sa mga kritikal na desisyon tungkol sa pandaigdigang kapayapaan at seguridad.
Bilang bahagi ng kanyang mga aktibidad, lalahok ang Pangulo sa ika-70 sesyon ng United Nations Commission on the Status of Women. Dito ay inaasahang itatampok niya ang mga polisiya at programa ng bansa pagdating sa gender equality at women empowerment.
Binigyang-diin ni Marcos na ang kanyang partisipasyon ay simbolo ng patuloy na komitment ng Pilipinas sa pagtataguyod ng karapatan ng kababaihan, lalo’t ang bansa ang kauna-unahang miyembro ng ASEAN na nag-ratify sa international treaty laban sa diskriminasyon sa kababaihan noong dekada 80.
Nakatakda ring magsalita ang Pangulo sa harap ng 193 miyembro ng UN General Assembly sa isang espesyal na sesyon upang ilahad ang posisyon ng Pilipinas sa mga pangunahing isyu sa mundo.
Ayon kay DFA Spokesperson Angelica Escalona, magsisilbing boses ang Pangulo para sa mga papaunlad na bansa sa pamamagitan ng panawagan para sa hinahon at respeto sa international law.
Binigyang-diin ni Escalona na ang UN ang pinaka-angkop na lugar upang manawagan ang Pangulo para sa kapayapaan sa Middle East at para sa kaligtasan ng mga sibilyan, kabilang ang mga Pilipinong naninirahan doon.
Bukod sa mga talumpati, makikipagpulong din ang Chief Executive kay UN Secretary-General Antonio Guterres upang muling pagtibayin ang suporta ng pamahalaan sa multilateralismo.
Tatalakayin sa pulong ang mga isyung mahalaga sa mga Pilipino gaya ng soberanya, maritime security, ekonomiya, at ang kaligtasan ng mga overseas Filipino workers.
Sa kabila ng mga serye ng pagtitipon, linaw ng DFA na walang nakatakdang pakikipagpulong ang Pangulo kay US President Donald Trump o sa iba pang lider ng mundo sa pagkakataong ito. Ito na ang ikaanim na pagbisita ni Marcos sa Estados Unidos mula nang maupo siya sa puwesto noong 2022.
