Matagumpay na pinangunahan ng Philippine Red Cross (PRC) ang ika-3 Southeast Asia First Aid Network (SEAFAN) Meeting na ginanap sa Ortigas, Pasig City, kung saan nagtipon-tipon ang mga kinatawan mula sa sampung bansa sa ASEAN upang paigtingin ang pagtutulungan sa pagliligtas ng buhay at pagtugon sa mga sakuna.
Dinaluhan ang pagtitipon ng mga delegado mula sa Pilipinas, Brunei Darussalam, Singapore, Laos, Malaysia, Myanmar, Thailand, Indonesia, Timor-Leste, at Cambodia.
Ang pangunahing layunin ng pagpupulong ay matiyak na ang mga komunidad sa buong Timog-Silangang Asya ay handa, protektado, at may sapat na kakayahan sa oras na tumama ang anumang emergency.
Kasunod ng mga unang pagpupulong sa Brunei at Bali noong mga nagdaang taon, nakatuon ang summit na ito sa inobasyon, “holistic care,” at pagpapanatili ng mga serbisyo.
Kabilang sa mga tinalakay ang pagsasama ng Mental Health and Psychosocial Support (MHPSS) sa first aid training, ang paggamit ng teknolohiya at digital tools upang mas maraming tao ang maabot, at ang pagpapalakas ng commercial first aid initiatives para suportahan ang mga humanitarian services.
Isang mahalagang bahagi ng programa ang sesyon ni Dr. Pamela Muldong mula sa International Committee of the Red Cross (ICRC), kung saan ipinakilala niya ang estratehiya para sa “Health Care in Danger” framework.
Layunin nito na masiguro ang proteksyon ng mga responder at pasyente sa gitna ng mga panganib. Nagtapos ang pagtitipon sa paglagda ng 3rd SEAFAN Joint Resolution at ang pormal na pagpapatibay sa updated Terms of Reference kasama ang International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies (IFRC).
Binigyang-diin ni PRC Secretary General Dr. Gwendolyn Pang na ang first aid ang unang hakbang ng serbisyong humanitarian at mahalagang lumampas ito sa nakasanayang bendahe at chest compressions sa pamamagitan ng pagyakap sa teknolohiya at pangangalaga sa mental na kalusugan.
Ayon naman kay PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon, ang SEAFAN ay simbolo ng pagkakaisa ng bawat Red Cross society sa rehiyon na maging laging handa sa pagliligtas ng buhay.
Aniya, sa pamamagitan ng pagbuo ng kultura ng paghahanda, mas mapoprotektahan ang mga susunod na henerasyon sa buong Asya.
